LP problemado kay Mar, Grace

TALAGANG malapit na ang eleksyon kaya naman laman ng balita kung sino-sino ang mga tatakbo sa 2016 polls.

Mainit ngayon at nananatili pa ring tanong ay kung sino ang magiging kandidato ng administrasyon sa presidential race.

Kung ang mga nangyari ang pagbabatayan, malabong si Vice President Jejomar Binay  ang maging kandidato ng Aquino government. Kumbaga nagkaduguan na, kaya hindi na sila maaaring magsama.

Bukod sa mga kinakaharap nitong anomalya, hindi rin welcome si Binay sa Liberal Party na pinamumunuan ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas. Hindi naman lihim ‘yan.

Ang itinutulak ng LP na magpapatuloy ng tuwid na daan ng Aquino administration ay si Roxas, na hindi pa rin nasasangkot sa anomalya.

Lumutang na rin ang pangalan ni Sen. Grace Poe, na nanguna sa senatorial elections noong 2010.

Papayag kaya ang LP na hindi nila kapartido ang gagawing standard bearer ng administrasyon?

Kaya tanong din kung papayag si Poe na maging running mate na lamang ni Roxas? Malabo naman kasi na si Roxas ang mag-VP kay Poe. At mukhang hindi rin papayag ang mga taga-LP.

Pero kung si Poe ang pinili ni Pangulong Aquino, nakasisiguro kaya siya na susuportahan siya ng LP?

Ang gustong mangyari ng LP, manalo si Roxas at Poe. Maaaring tumakbo ang senadora sa 2022 at tuparin ang pangarap na hindi nakamit ng kanyang amang si Fernando Poe Jr.

Kung hindi papayag si Poe at tumakbo siyang independent, marami ang duda kung kaya niyang pondohan ang kampanya.

Malaki ang gastos sa kampanya, sa commercial palang sa telebisyon ay milyon-milyong piso na ang gagastusin mo.

At papayag din ba si Poe na mabaon sa utang ng loob sa mga malalaking negosyante na baka maningil kapag siya na ang nakaupo sa Malacanang.

At kung sakali man, kung sakali lang naman, siya kaya ay tatakbo bilang VP ni Roxas o ni Binay na nagsabi rin na nililigawan nila ito.

Grabeng panimbang ang dapat gawin ni Poe bago siya magdesisyon.

Kung hindi naman siya tatakbo sa 2016, ang bagong scenario ay kung sikat pa ba siya pagtungtong ng 2022?
Consolation na lang siguro ni Poe, kung matatalo siya, mananatili pa rin siyang senador hanggang 2019.

Hindi rin dapat kalimutan si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na lumalabas din ang pangalan sa pagkapangulo.

Nagkalat sa Davao City ang mga tarpaulin na nag-eendorso kay Duterte para tumakbo sa pagkapangulo.

Kahit na ang mga kahon ng pomelo ay dinikitan ng sticker na may mukha ni Duterte.

Kung siya ay tatakbo sa pagka-presidente, magsilbi kaya siyang dark horse? Malaki ang itinalon ng rating niya sa huling survey.

O baka naman kunin siyang VP ng administrasyon kung hindi nila makukuha si Poe?

Problema din kung sino-sino ang bubuo ng senatorial lineup ng administrasyon.

Baka maulit nanaman ang mga guest candidate, ‘yung kandidato ng admin pero kandidato rin ng oposisyon.

Marami ang naiinip sa pagdating ng Oktubre dahil ditto magkakaalaman kung sino talaga ang mamanukin ng administrasyon.

Read more...