Grace Poe handa na sa 2016 polls

INAMIN ni Senador Grace Poe na kinausap nga siya ni Pangulong Aquino hinggil sa nalalapit na 2016 election.

Ngunit sinabi nito na wala naman umanong direktang sinabi ang pangulo kung pagka-presidente o bise presidente ang iniaalok sa kanya sa 2016.

Gayunman tinapat anya niya si Aquino kung kaya ba siyang suportahan ng Liberal Party kung sakaling ikonsidera niya ang pagtakbo sa mas mataas na pwesto sa 2016.

“Pero ito ang malinaw na tinanong ko sa kanya. Mr. President, kung saka-sakali at nakonsidera ako kung ano pa man, hindi naman po ako Liberal? Susuportahan n’yo po ba ako?” sabi ni Poe.

Nilinaw naman umano ng pangulo na idadaan sa konsultasyon ang lahat ng desisyon ng partido.

“Ang sabi naman nya, yun nga ang gusto nya na magkaroon ng konsultasyon dun sa grupo nya para kahit hindi naman eksaktong Liberal pero ang prinsipyo na isinusulong nya para sa reporma ay may kakayahan ng taong gawin yan ay gusto nyang suportahan…But of course the President has to consult his party for the approval pero ang sabi nya that he would like to make that commitment,” dagdag ni Poe.

Aminado naman si Poe na ang desisyon pa rin ng partido ang mananaig sa bandang huli, bagamat tiniyak sa kanya ni Aquino na hindi naman ganoon ka-istrikto ang partido.

Inamin din ni Poe na napag-usapan din nila si Interior Secretary Mar Roxas, ang minamanok ng partido para sa pagkapangulo sa 2016 polls.
Hindi rin direktang matukoy ng senador na handa siyang maging runningmate ni Roxas.

“I can’t say who I am open to run with because at this point I’m still considering whether I’m actually going to run,” sabi ni Poe nang tanungin kung bukas siyang makatambal si Roxas.

Sinabi pa ni Poe na nangako si Aquino na mag-uusap silang muli.

Read more...