Harinawang magkaintindihan na nga ang mag-inang Ruffa Gutierrez at Tita Annabelle Rama. Sila kasi ang pinagpipistahan sa kahit saan ngayon, manghang-mangha ang mga kababayan natin sa mga pinagsasasabi ng ina sa kanyang kaisa-isang anak na babae.
Tanong ng isang kaibigan namin, “Kung anak-mayaman kaya ang lalaking makakarelasyon ni Ruffa, magkakaganyan pa kaya ang mommy niya? Para kasing lumalabas na wala lang datung ang boyfriend ng anak niya, kaya nagkakaganyan si Tita Annabelle.
“Kung sakali kayang milyonaryo ang guy, makakarinig pa kaya tayo at makakabasa ng mga paglalantad ng mga lihim ni Ruffa mula sa mommy niya?” pang-uurirat ng aming kaibigan.
Siguro nga ay lumalampas na sa dapat lang ang mga atake ni Tita Annabelle kay Ruffa at sa kanyang karelasyon ngayon. Tinawag na PG, as in patay-gutom, ni Tita Annabelle si Jordan Mouyal.
Depensa naman ng nakauunawa sa ina ni Ruffa, “May nakikita sigurong reason si Tita Annabelle para maliitin ang lalaki! Si Ruffa siguro ang nagpapakain sa guy, kaya ganyan na lang ang galit ni Tita Annabelle!
“Bakit naman kasi hindi patunayan nu’ng guy na hindi totoo ‘yun! Bakit hindi siya magtrabaho, bakit hindi niya ipamukha kay Tita Annabelle na guni-guni lang ang mga pintas na inaabot niya? Kumilos siya, para hindi siya nalalait!” sabi pa ng isa naming nakausap.
May katwiran ang nagkomento, ang pagrespeto ng pamilya ni Ruffa sa lalaki ay manggagaling mismo sa kanya, ‘yun lang ‘yun.