Naging usap-usapan sa social media ang ipinost ni Alex Gonzaga sa kanyang Instagram account noong Linggo. May kinalaman ito sa naging palitan nila ng mensahe sa text ng kanyang inang si Mommy Pinty.
Iba’t iba ang naging reaksiyon ng mga nakabasa nito, pero mas marami ang na-shock sa naging mensahe ni Mommy Pinty kay Alex.Sa nasabing IG post ni Alex, mababasa ang text message si Mommy Pinty sa anak tungkol sa isang eskena niya na ipinalabas kamakailan sa teleserye nitong Inday Bote sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Ito ‘yung sumakay si Alex sa mga dolphin. May caption ito na: “Random text namin ng mommy this week…Happy mother’s day to my mother hen!!! Sorry lagi kitang inaasar pero sabi nila the more you tease the more you love! Love youuuuu tipints! @mommypinty.”
Pero nagulat nga ang ilang followers ni Alex sa sagot ni Mommy Pinty na may salitang “gago”. Text ni Mommy Pinty, “Gago ka sumakay ka sa dolphins pano kung magloko un.” Ang naging pabirong sagot naman ni Alex, “Dolphins are the nicest compared to you mom.”
Ang naging reply naman ni Mommy Pinty sa text ng anak, “Haaaaaa sama mong anak.” Sey ng ilang nakabasa nito, hindi raw nila inaasahan ng “magmumura” si Mommy Pinty, wala raw kasi sa personality nito ang mag-text ng hindi magandang salita sa kanyang anak. Kilala raw kasi nilang bilang Christians ang pamilya Gonzaga.
Pero kung may mga nag-react ng hindi maganda, meron namang nagtanggol sa mag-ina, huwag na raw gawing big deal ang palitan ng text ng mga ito. Hindi raw tamang husgahan ang isang nanay sa isang text lang.
Binura na ni Alex ang nasabing post sa kanyang IG account at pinalitan ng isa pang sagutan nila ni Mommy Pinty sa text.“Last week nagkaroon kami ng misunderstanding ng ate…Looky kung sinong chismosa sa nangyari!!!
“Haha this is how my mom and I joke with each other. Happy mothers day mother hen!!! I love you tipints! (Wala ng magreact ng OA kasi this is me just sharing why I love mommy pints).”
Samantala, patuloy na humahataw sa ratings game ang Inday Bote nina Alex, Matteo Guidicelli at Kean Cipriano. Walang duda na talagang tinututukan gabi-gabi ng manonood ang kuwento ni Inday at ng kanyang mga kaibigang duwende.
Siyempre, tuwang-tuwa ang buong cast at production ng fantaserye ng Dos dahil mula nga nang umere ito ay hindi pa rin ito natatalo sa ratings game.
Patunay lang na malakas talaga sa masa si Alex, idagdag pa ang napakagandang kuwento ng Inday Bote na malapit na malapit talaga sa mga kids.
This week, abangan kung matututo na si Inday na lumaban sa mga taong nang-aapi sa kanya at kung anu-ano na namang magic at gimik ang gagawin ng mga friends niyang duwende (Nikki Valdez, Smokey Manaloto, Nanding Josef at Alonzo Muhlach) para mapasaya si Inday.
Napapanood pa rin ang Inday Bote bago mag-TV Patrol sa direksiyon nina Malu Sevilla at Jon Villarin.