Mga Laro Bukas
(Mall of Asia Arena)
4:15 p.m. Purefoods Star vs Globalport
7 p.m. Rain or Shine vs San Miguel Beer
HINDI sinayang ng Barako Bull ang pagkakataong umangat sa itaas ng team standings ng 2015 PBA Governors’ Cup matapos na ilampaso ng Energy ang Blackwater Elite, 105-90, sa kanilang laro kahapon sa the Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Gumawa si Barako Bull import Liam McMorrow ng game-high na 23 puntos at 15 rebounds habang si Carlo Lastimosa ay nagtala ng career-high 18 puntos at si JC Intal ay nag-ambag ng 17 puntos para sa Barako Bull na galing sa 101-96 pagwawagi laban sa NLEX Road Warriors noong Miyerkules.
Ang panalo ng Energy ay naging daan naman para makasalo nila ang mga nangunguna at kasalukuyang pahinga na Alaska Aces at Globalport Batang Pier sa itaas sa 2-0 kartada.
Si Marcus Douthit ay nagtala ng 21 puntos at 13 rebounds para pamunuan ang Blackwater.
Sina JP Erram, Brian Heruela at Bambam Gamalinda ay nagdagdag ng tig-12 puntos para sa Elite na nahulog sa 0-3 karta.
Sa ikalawang laro, ipinakita ng Talk ‘N Text Tropang Texters na wala silang championship hangover matapos na itakas ang 95-91 panalo laban sa Barangay Ginebra Kings.
Hindi man nakalaro sina Jason Castro, Ranidel De Ocampo, Kevin Alas at Aaron Aban, sinamantala ng Tropang Texters ang malamyang opensa ng Barangay Ginebra para itakas ang panalo at mapigilan ang Gin Kings na nagawang burahin ang kanilang malaking kalamangan.
Ang Barangay Ginebra, na kulang din ng manlalaro, ay nahulog sa ikalawang sunod na pagkatalo matapos na hindi makaiskor ng halos anim na minuto matapos na hawakan ng Kings ang 84-83 kalamangan.
Si Steffphon Pettigrew ay kumana ng 33 puntos at 12 rebounds para pangunahan ang Tropang Texters na asinta ngayong kumperensiya ang ikalawang sunod na titulo matapos na masungkit ang kampeonato ng Commissioner’s Cup kontra Rain or Shine Elasto Painters.