Purefoods sasagupa ngayon sa NLEX

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. San Miguel Beer vs Meralco
5:15 p.m. NLEX vs Purefoods Star

MATAPOS mawala ang dalawang korona ng Grand Slam, sisimulan ng Purefoods Star ang pagdedepensa ng natitirang titulo sa salpukan nila ng NLEX sa PBA Governors’ Cup mamayang alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Sa unang laro sa ganap na alas-3 ng hapon, magtutuos ang San Miguel Beer at Meralco.

Ang Road Warriors, Beermen at Bolts ay pawang natalo sa kanilang unang laro. Pinadapa ng Barako Bull ang NLEX, 101-96, noong Miyerkules. Sa gabi ring iyon ay tinalo ng KIA Carnival ang San Miguel Beer, 83-78.

Noon namang Martes ay tinambakan ng Globalport ang Meralco, 92-73.

Pinabalik ng Purefoods ang import na si Marqus Blakely na naglaro ng tatlong laro sa nakaraang Commissioner’s Cup bago pinalitan ni Daniel Orton na hinalinhan din ni Denzel Bowles. Napanalunan din ng Hotshots ang lahat ng tatlong laro kung saan nakabilang din si Blakely.

Si Kwame Alexander, na pumalit sa original choice na si Rob Jones, ay nagtala ng 16 puntos at 10 rebounds kontra Barako Bull.

Pinangunahan ng Asian reinforcement na si Michael Madanly ang NLEX nang gumawa ito ng 26 puntos. Hindi nga lang nito natapos ang laro dahil nagkaroon ito ng injury matapos na aksidenteng mabangga si Dylan Ababou sa third quarter.

Hindi kumuha ng Asian reinforcement ang Purefoods Star dahil naniniwala si coach Tim Cone sa kakayahan ng kanyang mga locals na pinamumunuan nina James Yap, Marc Pingris, Joe Devance, Peter June Simon at Mark Barroca.

Si Alexander at Madanly ay susuportahan naman nina Paul Asi Taulava, Nino Canaleta, Enrico Villanueva at Jonas Villanueva.

Laban sa KIA, ang Beermen ay pinamunuan ni Alex Cabagnot na gumawa ng 18 puntos. Ang import na si Arizona Reid ay nagtala lamang ng 17 puntos dahil sa pananakit ng tiyan.

Hindi rin kumuha ng Asian reinforcement ang Beermen dahil si coach Leo Austria ay sumasandig din kina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Marcio Lassiter, Chris Lutz at Chris Ross.

Subalit matapos matalo sa KIA, nagbanta ang management ng Beermen na hindi mangingiming mag-trade ng mga manlalaro kung hindi sila makakabawi.

Si Meralco import Andre Emmett ay gumawa ng 41 puntos laban sa Globalport.

Hindi nakapaglaro ang Asian reinforcement na si Benny Koochoie matapos na mabigong makakuha ang clearance buhat sa kanyang Iranian team.

Read more...