One on One with Mikael Daez: Aktor na ako


NI ERVIN SANTIAGO

SUPLADO, coño, mahirap ma-reach, sosyalero at Inglisero! ‘Yan ang ilan sa mga description na ibinigay ng ilang tinanong namin tungkol sa hunk model-Kapuso actor na si Mikael Daez.

Pero sa one-one-one interview namin sa kanya kamakailan sa mismong opisina ng BANDERA, pinatunayan niyang mali ang pagkakakilala sa kanya ng ilan nating mga kababayan.

Kalog, matatas mag-Tagalog, down to earth, masarap kausap at walang kaarte-arte sa katawan—‘yan ang ilan sa nadiskubre namin kay Mikael sa halos isang oras naming pakikipagchikahan sa kanya.

BANDERA: Kumusta ang buhay showbiz? Nag-eenjoy ka ba o may pagsisisi kung bakit pinasok mo pa ang mundong ito?

MIKAEL DAEZ: Wala akong pagsisisi at all.

Buhay-showbiz? Ano ba talaga ang buhay-showbiz? Taping, out-of-town shows. Sa ngayon katatapos lang ng My Beloved, so nabawasan ‘yung load.

Pero tuluy-tuloy ang workshop ko sa acting and hosting. So, masaya siya, kasi nag-eenjoy ako sa mga ginagawa ko.

BANDERA: Anu-ano ‘yung mga na-discover mo so far?
MD: Ang dami kong natututunan.

I mean, hindi ko naman ginusto na maging artista, talaga, so, ngayon parang lahat bago.

Sa akin isang challenge na mas gumaling pa at maipakita na kaya kong panindigan itong pinasok ko.

Ang pinakaimportante rito, fulfilling siya, e.

Parang nakakabusog siya, in the sense na, pag successful ‘yung show, o kung naging maganda ‘yung pagtanggap ng mga tao sa projects mo, ang sarap ng feeling.

‘Yung masasabi mong, ang sarap nitong gawin, at kaya ko itong gawin habambuhay.

‘Yun ang importante, kasi hindi ko naman ito itutuloy kung hindi ako kuntento, di ba?

Para sa akin, biglang naramdaman ko na, pwede!

B: Ano naman ‘yung mga bagay na ayaw mo sa showbiz?
MD: Mahirap sabihin ‘yung kung ano ‘yung mga ayaw ko, e, dahil tinanggap ko na lang, e.

Siguro ‘yung pinakaayaw ko, physically, kasi talagang most of the times wala kang tulog, nakakapagod.

Pero wala akong magagawa, e.

Kasi ‘yun talaga ‘yung pinakamahirap sa akin, mahirap akong gumising kapag hindi buo ang tulog ko.

Like less than seven hours na tulog, grabeng sakripisyo ‘yun para sa akin.

‘Yung kailangan mong magising kasi may commitment ka, ‘yun ang hassle, kasi gustung-gusto mo pang matulog.

B: Nararamdaman mo bang artista ka na? Na sumisikat ka na talaga?
MD: Ano ba ‘yung ramdam-artista? Ha-hahaha! Well, nararamdaman ko nang aktor na ‘ko.

Kasi napapanood na ako sa TV, sa pelikula.

Pero ang pagiging artista, kasi hindi ko naman iniisip ‘yun, e.

Lalo na kasisimula ko pa lang, mas iniisip ko kung paano ko pa mai-improve ‘yung craft ko, ‘yung acting ko.

Kung ano pa ‘yung pwede kong gawin sa sarili ko as an artist.

‘Yung pagiging artista, maiisip mo na lang kapag naging maganda ‘yung resulta ng mga ginagawa mo.

Pagkatapos ng mga hirap sa taping.

B: Ano ‘yung mga pagbabago sa ‘yo simula nang mag-artista ka?
MD: Siyempre, ‘yun nga medyo nakikilala ka na.

Kapag naglalakad ka sa mall, sa mga restaurant, tinatawag na ‘yung pangalan mo, lalo na nu’ng My Beloved pa, lagi nila akong tinatawag na Nelson (character niya sa My Beloved).

Mahilig kasi akong maglakad diyan sa bandang Katipunan, kasi tagaroon ako, tapos may magsasabing, ‘Uy, si Nelson, oh! Si Nelson!’ E, parang hindi pa rin ako sanay, parang bigla na lang papasok sa isip ko, ‘O, ako pala ‘yun, ‘yung character ko sa My Beloved!’ Kaya sa ganu’ng aspeto masaya talaga ako dahil ibig sabihin tumatak din sa isip nila ‘yung ginawa ko.

B: Ano na ‘yung mga inaasahan mo after ng success ng My Beloved?
MD: Sabi ko, kailangan may bago naman akong ibigay sa next projects ko.

Feeling ko may improvements naman from Amaya to My Beloved, pero I always think na dapat hindi du’n matatapos ang pagbabago, dapat laging may challenge, lalo na sa akting ko para maipakita ko naman sa GMA na deserving ako du’n sa trust na ibinibigay nila sa akin.

B: Pero okay lang sa ‘yo na tuluy-tuloy na ang pagiging kontrabida mo dahil effective ka nga sa My Beloved?
MD: Alam mo, sa ngayon, hindi ako makareklamo, so okay lang.

Tatanggapin ko na lang, pero sa tingin ko naman, hindi lang ‘yun ang magagawa ko.

Ang dami-dami pang roles na hindi ko pa nagagawa, nagsisimula pa lang ako.

Kung ano ‘yung gusto ng GMA, gagawin ko kung mas makakaganda sa career ko.

Tapos tingnan natin kung saan ako mahuhubog talaga.

B: Ano pa ‘yung mga roles na sa tingin mo matsa-challenge ka talaga?
MD: Lahat! Kasi kapag artista ka pala, kung ano ‘yung ibigay sa ‘yo, nandu’n ‘yung challenge kung paano mo ‘yun bibigyan ng justice.

Sa ngayon, iilan pa lang naman ‘yung napo-portray ko, so para sa akin, everything is a challenge.

Kahit anong role ang ibigay mo sa akin, sa tingin ko mahirap.

B: Nakatrabaho mo na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera, ang pambatong loveteam ng GMA, how’s the experience?
MD: Si Marian kasi, halos lahat ng projects ko, nakasama ko siya, sa Spooky Nights Presents Vampirella, Temptation Island, Amaya tapos My Beloved.

Si Marian kilalang primetime queen ng GMA, so sobrang swerte ko dahil siya agad ang nakatrabaho ko.

Napakarami kong natutunan sa kanya, lalo na sa pagiging professional at sa kasipagan.

And siyempre, si Dingdong din. Marami na akong natutunan sa kanilang dalawa, so, for me, ang laking blessing na nu’n.

Not all artists, lalo na sa baguhang tulad ko ay nabibigyan ng ganu’ng opportunity.

At ‘yung friendship na nabuo sa aming tatlo, ‘yun din ang ite-treasure ko.

B: Sinu-sino pa ang gusto mong makasama sa next projects mo?
MD: Si Maxene Magalona, ‘yung mga friends ko sa GMA Artist Center, sina Bela Padilla, Kylie Padilla, si Bianca King, si Mike Tan, lahat.

Kasi nagiging close na kami sa mga workshops.

Now, I feel mas kasama na ako sa pamilya ng GMA. Interesting ‘yun na magkasama-sama kami sa projects, kasi parang comfortable na kami sa isa’t isa.

B: Para sa ‘yo, sino ang top three sexiest women sa local showbiz?
MD: Ang lagi kong sinasabi dati si Solenn (Heussaff), pero may boyfriend na siya, at barkada na kami, so, huwag na muna.

Si Carla Abellana, gandang-ganda ako sa kanya du’n sa shampoo commercial niya.

Sa hair pa lang, di ba, ang sexy na.

And then si Heart Evangelista, noon pa, she’s really very pretty, ‘yung face value, ang sexy na.

Then si Kylie Padilla, aside kasi sa mukha niya na talagang ang ganda, nu’ng marinig ko ‘yung boses niya sa workshop namin, sabi ko, ‘Wow! Ang ganda ng boses ng batang ‘to!’

B: So, hindi ka talaga tumitingin sa katawan para masabing sexy ang isang babae?
MD: Hindi, e. Hindi talaga sa katawan, e.

Kasi kapag nakakita ka ng babae, sasabihin mo ang ganda ng katawan niya, pero ‘yung sexiness, mahirap i-justify kaya kailangan mo muna siyang makilala bago mo masabing sexy siya.

B: May lovelife ka ba ngayon?
MD: Ah, lovelife siguro with my writing. I write rin kasi, e.

Right now I’m single but that’s not a problem, I’m happy being single.

Kasi ang dami ko ring nakikilala, especially in showbiz, pero of course, everybody naman, pinag-uusapan ang lovelife.

Kung darating, siyempre, masaya ‘yun.

B: Aside from acting and modeling, ano pa ‘yung pinagkakaabalahan mo?
MD: Right now, I’m blogging, sa mikaeldaez.com.ph. mahirap din ang writing, talagang oras din ang kinakain.

Pero masaya. Kapag wala akong ginagawa tapos may naiisip ako, masarap na isulat, tapos inilalagay ko sa blog ko.

Tapos I also interview people like what you do. And of course, gym, I try to allot enough time para sa gym.

Kasi gusto ko, after every project, may new look, like my hair now, nagpa-style ako ng bago, kasi kailangan din sa movie na gagawin ko with Regal, ‘yung ‘The Bride And The Lover’ with Jennylyn Mercado and Lovi Poe.

Para naman mabura na isip nila ‘yung Nelson character ko sa My Beloved.

B: Are you vain? Masyado ka bang conscious sa itsura mo kapag nasa labas ka?
MD: Alam mo, ito ‘yung feeling ko ha, tingin ko lahat ng artista vain, kasi kailangan, e.

Sa trabaho namin, na kailangang mag-make-up para sa mga shows, vain ka na nu’n, di ba? I think lahat ng artista may certain level ng vanity kasi part na ‘yun ng work namin araw-araw.

Pero mahirap din naman ‘yung sobra na, ‘yung maya’t maya nagsasalamin ka, maya’t maya parang conscious ka.

Huwag naman ‘yung ganu’n.

B: Sabi mo hindi mo talaga pinangarap na mag-artista, bakit nandito ka ngayon?
MD: Hindi talaga, kahit modeling hindi ko trip ‘yan noon.

Parang napasok lang ako 2010, modeling, tapos commercial hanggang sa pumasok na nga sa TV, sa movies.

Nagtuluy-tuloy na, e. Ako pa ba ang tatanggi sa mga opportunities? And besides, fulfilled naman ako.

Maganda naman ang nangyayari sa akin, at masaya ako sa mga ginagawa ko.

One year na ako last month lang pero ang dami-dami nang nangyari.

B: Sa showbiz maraming bading, may pagkakataon ba na may nambastos na sa ‘yong gay?
MD: Surprisingly wala talaga.

Hindi ‘yun nangyari dahil sa mga taong nakilala ko na talagang pinrotektahan ako.

Swerte ko sa mga taong nakasama ko na very protective, sila ‘yung parang nag-guide sa akin.

Nu’ng first go-see ko nga as a model, may lumapit sa akin na model din na friend ng kaibigan ko.

Actually, siya ‘yung nagturo sa akin, nag-guide sa akin, ang turing niya sa akin kapatid na.

Sabi niya, ‘Ako ang bahala sa ‘yo, walang manggugulo sa ‘yo dito.’

Marami akong naririnig na kuwento na ganu’n nga, may minolestiya, may inagrabyado, pero sa akin wala talagang nambastos.

Read more...