HINDI napagtagumpayan ng Pilipinas ang mabawian ang Chinese Taipei nang tanggapin ang 17-25, 19-25, 20-25 pagkatalo sa Rebisco 1st Asian U23 Women’s Volleyball Championship consolation round kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Walang manlalaro sa Nationals ang nasa double digit na patunay na napagod ito sa matinding laban na ipinakita sa China na tumalo sa kanila sa apat na sets noong Huwebes.
Nagkaroon ng pagkakataon ang host team na makaisa sa second set nang hawakan pa ang 18-16 bentahe.
Pero nagtala ng mga errors ang koponan nang humabol ang Taiwanese team para maunsiyami ang hangarin.
May 31 errors ang Nationals at 14 rito ay ginawa sa second set.
“The girls are very tired after our game with China. But no excuses, we lost,” wika ni national coach Roger Gorayeb.
Pero hindi naman masama ang kanyang loob dahil tunay na nagsikap ang koponan na pahirapan ang Taiwanese team.
“I told the girls that you made the country proud. We are very proud with what the players achieved with the limited time that we prepared for this tournament,” dagdag ni Gorayeb.
Si Chen Tzu-Ya ay mayroong 11 puntos, sampu rito ay sa kills, habang si Wu Wei-Hun ay may walo, at tig-anim ang ginawa nina Chang Li-Wen, Huang Chun-Yu at Chien Huang-Ying para sa balanseng pag-atake.
Magtatapos ang kompetisyon ngayon at habol na lamang ng Pilipinas ang ikapitong puwesto kung manalo sa alinman sa Iran at India na naglalaro pa habang isinusulat ang balitang ito.