Dito na raw siya magpapagaling, iba na nga naman ang nasa sariling bayan siya, tutal naman ay bihasang-bihasa rin ang ating mga doktor sa kanyang sitwasyon.
Uuwi si Congressman Manny Pacquiao na may mga nakahaing kaso laban sa kanya sa Amerika, nadagdagan na nang nadagdagan ang mga nagrereklamo dahil diumano’y niloko sila ni Pacman sa hindi pagiging totoo tungkol sa kanyang kundisyon nu’ng magtuos sila ni Floyd Mayweather, Jr., milyun-milyong dolyar na ang kabuuang halaga ng mga asuntong ihinahain ngayon laban sa People’s Champ.
Sa Amerika pa naman. Madulas nga lang sila sa tapat ng isang bahay nang dahil sa kanilang kapabayaan ay kakasuhan na agad nila ang may-ari ng bahay na nakadisgrasya sa kanila. Lahat ng galaw sa Amerika ay may katapat na halaga.
“Bahala na ang mga abogado ko sa kanila. Wala akong ginawang pangloloko, sinabi ko na ang totoo na nu’ng pang-fifth round ko na lang naramdaman ang matinding pananakit ng right shoulder ko. Walang masakit sa akin nu’ng bago magsimula ang laban,” paulit-ulit na pahayag ng Pambansang Kamao.
Bilyong piso man ang nadagdag sa dati nang kayamanan ni Pacman ay kapayapaan naman ng kalooban ang ninakaw sa kanya.
At walang katumbas na kahit magkano ‘yun.