James walang balak ligawan si Nadine

 

NANINIWALA kami na wala talagang namamagitang “something” kina James Reid at Nadine Lustre. And we also believe na hindi nila kailangang lokohin ang madlang pipol para lang panoorin ang kanilang mga pelikula at TV shows.

Bilib nga kami sa tindi ng karisma ng JaDine loveteam sa publiko, lalo na sa mga kabataan, dahil kahit alam nilang walang relasyon ang dalawa ay kinikilig pa rin sila sa mga proyektong pinagsasamahan ng mga bagets.

Tulad na lang ng bago nilang pelikula under Star Cinema at Viva Films, ang “Para Sa Hopeless Romantic”, naniniwala kami na kahit diretso nang sinabi nina Nadine at James na walang ligawang nangyayari sa kanila, na hindi pa umaakyat sa next level ang kanilang friendship ay panonoorin pa rin ng mga fans ang kanilang latest movie.

Mismong si James na nga ang nagsabi na napakaganda ng relasyon nila ngayon ni Nadine as friends at bilang magka-loveteam, kaya bakit nila sisirain ito para lang paasahin ang mga tagasuporta nila?

“For me, as long as we are working together like this, I don’t think it’s a good idea (i-level ang kanilang pagiging magkaibigan). The relationships that go through showbiz never work out,” ani James.

Dagdag pa ng binata, “What we have is great. Why spoil it? But of course, Nadine is a girlfriend material. Pero alam naman ng fans na friends lang kami. At saka, I’m really focused sa career namin ngayon, sa work and we’re really busy. So, it’s delicate. I don’t wanna ruin it.

Ikatlong pelikula na ng JaDine loveteam ang “Para sa Hopeless Romantic” na showing na sa May 13 nationwide kung saan makakasama rin nila sina Inigo Pascual at Julia Barretto with some Viva Artist Agency talents like AJ Muhlach, and Shy Carlos, sa direksiyon ni Andoy Ranay.

Kuwento ni Nadine, mas maraming makaka-relate sa kuwento ng “Para sa Hopeless Romantic” dahil aniya, mas realistic daw ito kesa sa “Diary ng Panget” at “Talk Back and You’re Dead.”

“Kasi ito, according to Marcelo (Santos III, ang writer ng libro), nangyari talaga siya. Makaka-relate ‘yung mga hopeless romantic, ‘yung mga takot magmahal, mga iniwan, mga gustong balikan sila,” ani Nadine.

Magkakaroon ng mall tour ang cast ng “Hopeless Romantic” ngayong araw sa SM City Cebu; May 9 sa SM< City Manila at Market Market; at sa MarQuee Mall sa May 10.

Read more...