Di ka tapat, Manny

ANG pagsasadiwa ng Ebanghelyo noong Lunes sa ikalimang linggo ng Pasko ng Pagkabuhay (Jn 14:21-26, Slm 115, Gawa 14:5-18), o isang araw pagkatapos ng malinaw na pagkatalo ni Manny Pacquiao kay Floyd Mayweather Jr., ay ang pagiging tapat at pagmamahal. Hindi naging tapat si Pacquiao sa kanyang mga fans sa buong mundo, lalo na sa mahihirap na nakapanood lamang ng live feed mula sa sat ng Indonesia, dahil “pampaganang” Indones ang isinisingit sa pagtatapos ng bawat round sa mapagbalatkayong kagandahang-loob ng politiko. Pero, ang mga fans sa Pinas ay nagmamahal pa rin, bagaman nabawasan na ang bilang.

Dalawang lalaki sa Nevada ang nagsampa ng $5 milyon na class-action lawsuit kay Pacquiao dahil sa umano’y paglabag nito sa Nevada Deceptive Trade Practices Act. Bukod kay Pacquiao na kinasuhan sa US District Court sa Las Vegas, isinama rin sa demanda ang kanyang manager na si Michael Koncz. Top Rank chairman Bob Arum, Top Rank president Todd duBoef at Top Rank Company. Mas mabait pa nga ang turan ng Ebanghelyo, ang di pagiging tapat sa kabila ng inilagak na tunay na pagmamahal kay Pacquiao ng mahihirap.

Pero, sa pananaw ng Kano ay nandaya at nanlinlang sina Pacquiao. Ang salitang linlang ay unang binanggit ni Pacquiao (“Hindi ko kayo nilinlang…”). Sa mahihirap na tagahanga niya, hindi siya nagtapat ng injury sa balikat. Bukod sa inilihim niya ito, dalawang araw bago ang laban ay sinabi niya na malakas na malakas na siya’t handing-handang nang talunin si Mayweather (kapuna-puna na dalawang araw bago ang laban ay mata na lang ang masigla kay Freddie Roach at wala na itong
ipinagyayabang na patutulugin si Mayweather sa anumang round).

Ang mga panalangin at sermon ng mga Misa noong Mayo 2, bisperas ng laban ni Pacquiao, sa nasasakupan ng Diocese of Malolos, ay para sa tagumpay ni Pacquiao. Hindi rin alam ng mga pari na may injury siyang dinaramdam na iniaasa niya ang kagalingan o pagmanhid sa gamot. Malinaw na walang sinabi si Pacquiao na humingi siya ng tulong ng Diyos para ibsan o pawiin muna ang sakit. Sabado noon, araw ng Healing Masses sa buong bansa.

Sa National Shrine of the Divine Mercy sa Santa Rosa 1, Marilao, Bulacan, ipinagdasal ni Rev. Father Alvin Pila, ang vicar, si Pacquiao bagaman hindi na siya Katoliko. Naging mabait ang Diyos ng mga Katoliko kay Pacquiao. Binigyan siya ng walong titulo sa walong division. Ito na lamang ang isinasariwang alaala ng mga Katoliko kay Pacquiao. Nang dumanas na siya ng sunud-sunod na pagkatalo, hindi na niya tangan ang Rosaryo.

Ang hibla na lang ng pag-asa ay kay Dionisia, na unti-unti nang lumalayo sa kanyang binyag. Unti-unti na siyang nalulukuban ng kasalanan at natatalo. Pero sa news TV isang araw nang matalo si Manny, nabanggit niya ang Birhen at galit na tinukoy ang nakapalibot na humihingi ng balato, kahit natalo ang kanyang anak. Sinu-sino ba ang nakapaligid kay Manny?

Sinabi ni Dionisia na ang mga banal na ito ay wala sa kanilang paligid noong sila ay naghihirap pa lamang. Hindi sila pinapansin at mas lalong hindi sila kilala. Ni piso ay wala silang ibinigay sa amin, ani Dionisia. Oo nga naman, kasi kung may pera na ang pamilya ni Dionisia noon ay kikilalanin sila. Talagang, talaga, napaliligiran ng mga langgam at linta si Pacquiao, kahit naroon ang pangamba na lamunin ang malaking kinita nito sa kababayad sa mga “dinaya” sa laban.

Kapuna-puna na wala nang sigla ang mukha ni Manny at banayad na siyang magsalita ngayon. Nasa mamahaling mans-yon nga siya pero banayad ang paligid at nakatanaw sa walang katiyakang kinabukasan ang pag-asa. Tulad ng isinusulong na rematch kay Mayweather. Walang katiyakan ang isinusulong na rematch.

Read more...