Robin pinipilit tumakbong kongresista sa Eleksiyon 2016 para sa mga Muslim

robin padilla

“Walang planong pumasok si Robin (Padilla) sa pulitika, hindi totoo ‘yung mga nababalitaan mo,” ang pahayag sa amin ng manager ng aktor na si Betchay Vidanes.

May mga humihimok daw kasi kay Robin na kumandidato sa 2016 bilang representative ng mga kapatid nating Muslim at balitang pinag-iisipan daw ito ng aktor.

Kaya nang makita namin ang manager niyang si Betchay kamakailan ay tinanong namin kung ano ang totoo sa mga nasusulat.
“Imposibleng pasukin ni Robin ang pulitika kasi unang-una, mawawalan siya ng commercials, e, ang dami niyang TV ads, e, dito siya kumikita ngayon dahil hindi naman kalakihan sa show at pelikula niya, alam mo naman ‘yun,” kuwento pa ng manager sa amin.

Ngayon nga lang daw naging masigla ulit si Robin sa pagtanggap ng product endorsements dahil nag-lie low siya ng ilang taon at hindi naman itinanggi ni Betchay na talagang naapektuhan ang kita ng opisina niya.

“Nu’ng nag-lie low si Robin, hirap ako kasi isipin mo, siya ‘yung pinakamalaki kong artista, e, siyempre may opisina ako, may mga tao, alam mo ‘yun, kaya natutunan ko, dapat kayod talaga, hindi puwedeng iasa lang sa iisang tao.

“E, lolo (Robin) mo pag sinabing ayaw niyang gawin o tanggapin ang isang project, hindi mo na ‘yan mahihilot. Kaya nga natutuwa ako, okay na ulit siya, tapos na siyang magmuni-muni,” kuwento pa ng manager ni Binoe.

Oo nga, hindi naman kailangan ni Robin pasukin ang pulitika para makatulong dahil sa mga hindi nakakaalam ay madalas nga siyang pumunta ng Mindanao para tumulong sa mga kababayan nating Muslim doon.

Anyway, busy ang aktor ngayon sa sitcom ng TV5 na 2 ½ Daddies kasama ang mga kapatid na sina BB Gandanghari at Rommel Padilla at balitang inalok ulit siya para sa season 2 ng Talentadong Pinoy pero tumanggi na siya dahil paalis sila ng asawang si Mariel Rodriguez patungong Spain.

Read more...