Mga Laro Ngayon (Mall of Asia Arena)
4:15 p.m. Barako Bull vs. NLEX
7 p.m. KIA vs. San Miguel Beer
HANGAD ng San Miguel Beer na makapaghiganti kontra KIA Carnival sa kanilang salpukan sa PBA Governors Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa unang laro sa ganap na alas-4:15 ng hapon ay makakaharap ng NLEX ang lumakas na Barako Bull. Ang Beermen, na nagnanais na makabawi sa masamang performance sa nakaraang Commissioner’s Cup, ay tinalo ng Carnival, 78-88, sa torneong iyon at kapwa hindi umabot sa quarterfinal round.
Ibinalik ng Beermen si Arisona Reid na naglaro sa kanila sa Commissioner’s Cup kahit pa 6-5 lang ang height nito at puwedeng kumuha ang San Miguel ng import na may taas na 6-8.
Hindi na kumuha pa ng Asian reinfocement ang Beermen. Ito ay dahil naniniwala naman si SMB coach Leo Austria na malakas na ang kanyang backcourt kung saan naghahalinhinan sina Alex Cabagnot at Chris Ross.
Sasandal din si Austria kina Arwind Santos, Marcio Lassiter, Chris Lutz at reigning Most Valuable Player June Mar Fajardo. Hindi nakabalik sa poder ng KIA ang 7-4 na si PJ Ramos dahil sa commitment nito para sa Puerto Rico kaya kinuha na lang ng Carnival ang seven-footer na si Hamady Barro N’Diaye na nakapaglaro para sa Washington Wizards at Sacramento Kings sa NBA. Kinuha rin ng KIA ang serbisyo ng Chinese Taipei star na si Jet Chang.
Ang 26-taong gulang na si Chang ay produkto ng Brigham Young University-Hawaii. Inihatid niya ang koponang ito sa runner-up finish sa 2011 NCAA Division II tournament.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.