Pacquiao for President

BAGO pa ang mega fight nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, muling uminit ang usapin sa pagtakbo sa pagkapangulong People’s Champ.

Kung ang pinag-uusapan ay ang 2016 presidential elections, malabong makatakbo si Pacquiao. Hindi pa nagsisimula ang laban ay talo na siya.

Hindi dahil ilalampaso siya ng ibang kandidato kundi dahil disqualified pa siya.

Ayon sa 1987 Constitution, ang maaari lamang tumakbo sa pagkapangulo ay natural-born citizen, rehistradong bumoto, nakakabasa at sumulat, at 40 anyos sa araw ng halalan.

Malabo siyang makatakbo dahil 37 pa lang ang edad ni Pacquiao.

Kung nagkataong nasa edad na siya, marami ang sasakit ang ulo sa 2016 dahil magiging malaking problema nila si Pacquiao.

Kung ang init ng pagsuporta ngayon kay Pacquiao ang susukatin, kawawa lang ang makakalaban niya.

May mga pala-palagay na hindi pa titigil si Pacquiao sa boxing at sa 2022, kung mainit pa ang pagtanggap sa kanya ay baka tumakbo siya sa pampanguluhang halalan.

Ewan lang natin, baka tumakbo siya sa pagkasenador sa susunod na taon.

Dapat nga bang ipagpatuloy ni Pacquiao ang kanyang political career? May nagsasabi na oo, meron din namang hindi.

Marami ang pumupuna sa kanya, dahil sa dami ng kanyang absent sa sesyon ng Kamara. Minsang nakita siyang pumasok, agad pang na-adjourn ang sesyon dahil walang quorum.

Ngayon hinahamon naman siya ng mga militanteng kongresista na agad magpatawag ng pagdinig para sa maimbestigahan ang kaso ng Pilipinang si Mary Jane Veloso na nahatulan ng bitay sa Indonesia dahil sa pagpasok nito ng 2.3 kilong heroin.

Gusto ng mga militante na dikdikin ang gobyerno dahil kulang umano ang ginawa nitong tulong kay Veloso.

Si Pacquiao ang senior vice chairman ng House committee on overseas Workers affairs at ng magbitiw ang chairman nito na si Akbayan Rep. Walden Bello, siya ang otomatikong pumalit bilang acting chairman.

Kung magpapatawag ng pagdinig si Pacquiao at siya ang magpi-preside sa pagdinig, tiyak na marami ang interesadong manood. Gusto nilang malaman kung may ibubuga si Pacquiao sa pagging chair ng komite.

Walang duda na malinis ang hangarin ni Pacquiao na tumulong sa bayan lalo na sa mga mahihirap. Sa isang tulad niya na nanggaling sa kahirapan, marami ang kanyang binigyang inspirasyon para magpatuloy sa pagtatayugod ng buhay at nang makaahon sa kahirapan.

Ang tanong ng marami ay kung may magagawa ba siya sa Kongreso? Maging senador o kongresista man siya, makagagawa ba siya ng batas para matulungan ang mga boboto sa kanya?

Sa huli ang mga botante ang magsasabi kung gusto nilang magpatuloy ang political career ni Pacquiao o hindi.

Malinaw naman sa pahayag ni Indonesian President Joko Widodo na ipinagpaliban ang pagbitay kay Mary Jane Veloso bilang tugon sa sulat ng Aquino government.

Kailangan kasi ang testimonya ni Veloso sa kasong isasampa sa kanyang recruiter na si Maria Kristina Sergio.

Sinabi ni Pangulong Aquino na sumulat siya kay Widodo kaugnay ng kaso ni Sergio. Pinagbigyan naman ito kaya buhay pa si Veloso.

Pero anong nangyari? Parang sa halip na magpasalamat ang nanay ni Veloso na si Celia, kinastigo pa nito ang gobyerno.

Akala siguro ni Aling Celia ang pinakinggan ni Widodo kaya naihinto ang pagbitay ay ang mga nagra-rally.

Tinawag tuloy siyang ingrata.

Ang mga Pinoy marunong magpasalamat kahit sa mumunting bagay. Bakit kasi hindi na lang nagpasalamat. O baka inutusang huwag magpasalamat.

Read more...