SSS pension adjustment

DEAR Aksyon Line,

Magandang araw po sa staff ng Bandera. Tatlo po kaming magkakapatid na matagal nang pensioners ng SSS. Nabalitaan at nabasa po namin sa Bandera ang tungkol sa adjustment ng mga hindi naisama sa encoding para sa SSS benefits noong taong 1985 hanggang 1989.

Itatanong ko lang sana kung isa kami sa hindi napasama at kung makaka-claim din kami ng said adjustment? Sa ngayon po, marami na rin kaming mga sakit na nangangailangan ng maintenance. Malaking tulong ito para sa aming mga gamot. Sana po, mabigyan pansin itong sulat namin.

Maraming salamat po.
Gumagalang,

Hernani Yap,
Mamette M. Yap,
Nelita M. Yap

REPLY:
Ito po ay bilang tugon sa inyong ipinadalang katanungan sa pitak na “Aksyon Line” noong ika-12 ng Abril kaugnay nang isinasagawang proyekto ng SSS sa pagsusuri ng 1985-1989 records ng mga miyembro ng SSS.

Layunin ng proyektong ito ng SSS na isaayos po ang records ng bawat miyembrong nakapaghulog ng mga panahon na iyon sa pamamagitan ng manual verification. May mga kontribusyon po kasi mula 1985-1989 ang hindi nairehistro sa SSS matapos palitan ang IT system nito noong 1986.

Kaugnay nito, hindi na po kayo kailangan pang magsumite ng aplikasyon para sa manual verification. Kung kayo po ay kabilang sa mga miyembrong makikitaan ng pagbabago sa inyong records, automatic na pong ia-adjust ng SSS ang natatanggap ninyong pensyon. Nais lamang po naming linawin na hindi lahat ng adjustment ay nangangahulugan ng karagdagan sa pensyon. May mga ibang kaso rin po na nababawasan ito base sa results ng manual verification.

Inaasahang matatapos ang proyektong ito ng SSS sa darating na Disyembre, 2015. Padadalhan po ng SSS ang bawat miyembrong may pension adjustment ng notice voucher na naglalaman ng mga detalye ng bagong halaga ng pension.

Sana po ay naliwanagan kayo tungkol sa bagay na ito.
Sumasainyo,
May Rose DL

Francisco
Social Security
Officer IV
SSS Media Affairs Department
9247295/9206401 loc 5053
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@gmail.com.

Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.

Read more...