Katrina kina Hayden at Vicki: Hindi na kailangang chummy-chummy!

katrina halili

WALANG lovelife ngayon ang Kapuso hot mama na si Katrina Halili. Hindi rin daw siya nakikipag-date dahil ang focus niya talaga this time ay ang kanyang anak at showbiz career.

Nakachika namin si Katrina sa press launch ng bagong GMA Telebabad series na The Rich Man’s Daughter na pagbibidahan nina Rhian Ramos at Glaiza de Castro (gaganap bilang lesbian lovers) at dito nga namin naitanong kung meron na siyang bagong dyowa.

Single na single raw siya, sa ngayon daw kasi ay parang hindi na siya naghahanap ng boyfriend. Kung noong wala pa raw siyang anak ang feeling niya ay hindi siya mabubuhay ng walang lalaki, ibang-iba na ang pananaw niya ngayon.

“Parang ngayon, alam ko na ang tunay na meaning ng happiness. Kasi noon, akala ko, dapat lagi kang may boyfriend para lagi lang inspired at masaya pero ngayong may anak na ‘ko, nagbago na lahat.

Sabi ko nga, kahit wala na akong maging partner, basta lagi ko lang kasama ang anak ko, okay na,” paliwanag ni Katrina na ang sexy-sexy pa rin ngayon.

Siyempre, natanong din namin ang Kapuso sexy actress kung ano ang feeling ngayong nagkabati-bati na sila nina Hayden Kho at Vicki Belo matapos ang makasaysayang sex scandal na kinasangkutan niya.

“Para sa akin, basta masaya na po ako na okay na lahat, nagkausap na kami, and ayos na,” ani Kat. “May peace of mind na kami and, in the future, kung sakaling magkita kami somewhere, hindi na ako maiilang kasi naayos na naming lahat,” dugtong pa niya.

“Siguro time na rin po na tapusin na natin yung isyu na ‘yon kasi mag-iisang dekada na siya, ‘di ba? Naka-move on na po kaming lahat. Masaya na kami sa buhay namin,” dagdag pa ng aktres.

Pero ayaw nang magkuwento ni Katrina kung ano’ng nangyari noong magkita-kita sila uli nina Hayden at Vicki Belo, “Ayoko na po sanang magdetalye ng ano’ng nangyari.

Kasi para sa akin, personal pong pangyayari sa buhay ko, so ayoko na sanang i-share. “Kung tatanungin ako, okay lang, sasagutin ko, pero para idetalye ko pa, parang hindi naman yata kailangan,” chika pa ni Katrina kasabay ng pagsasabing hindi na rin kailangan na maging close sila uli nina Hayden at Vicki, “Basta okey naman po kami.

Hindi naman kailangan maging chummy-chummy. Masaya na kami sa buhay namin, ‘di ba?” Sa seryeng The Rich Man’s Daughter gagampanan ni Katrina ang karakter ng ex-lover ni Glaiza na hindi papayag mapunta sa iba ang dating karelasyon.

Siya ang isa sa magiging kontrabida sa pagmamahalan nina Glaiza at Rhian sa kuwento. Magsisimula na ang The Rich Man’s Daughter sa May 11 sa GMA TeleBabad, at ito’y sa direksiyon ni Dominic Zapata.

 

Read more...