SM mall bobombahin ng Sayyaf?

SM

SM


Pinawi ng mga ahensiyang pangseguridad kahapon ang pangambang dulot ng kumalat na text messages na nagsabing bobombahin ng Abu Sayyaf ang isang mall ng SM sa Metro Manila.
“We have not monitored any terroristic plan to be conducted in Metro Manila,” sabi ni Director Carmelo Valmoria, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), said in a text message.
Ibinigay ni Valmoria ang pahayag nang tanungin tungkol sa mga text message, na nagsabing bobombahin ng Abu Sayyaf ang isang mall ng SM kung di ibibigay ng kompanya ang hinging US $15 milyon (P669 milyon) na hinihingi ng al Qaeda-linked group.
“SM North and SM Southmall was (sic) especially mentioned. They have one week to pay so please stay away from SM Malls for a week. They are on high alert right now but better be safe than sorry,” sabi sa text.
Ang SM North ay nasa hilagang bahagi ng EDSA sa Quezon City, habang ang SM Southmall ay nasa Las Piñas City.
Tinawag ni Valmoria na “alarming” ang mensahe pero sinabing ito’y “unverified.”
“I hope that people who receive such unverified alarming report will refrain from forwarding it to their friends and loved ones, who in turn share it with anyone, [and] thus create apprehension and insecurity,” aniya.
Sinabi naman ni PNP spokesman Senior Superintendent Bartolome Tobias na di dapat ikabahala ang mga text, bagamat di rin ito dapat ipagwalambahala.
“The PNP in coordination with the AFP and other agencies is doing its best to ensure the safety and security of our people,” ani Tobias.
Sa isang panayam, sinabi naman ni Brigadier General Joselito Kakilala, tagapagsalita ng Armed Forces, na patuloy na tutulungan ng militar ang mga awtoridad sa pag-monitor sa naturang report at pipigilan ang anumang “armed threat.”
Ayon sa nagpadala ng text, nanggaling ang impormasyon tungkol sa banta ng Abu Sayyaf sa isang “direct reliable source from SM.”
Hiniling nito na huwag ipaskil sa social media ang text dahil ayaw ng SM, pero nanawagan sa mga nakatanggap na ipaalam ito sa mga kamag-anak at kaibigan sa pamamagitan ng “private messages.”
Ayon kina Valmoria at Kakilala, itinanggi ng pamunuan ng SM na mga opisyal nito ang nagpakalat ng impormasyon.
“We are requesting the authorities to verify the source of the information circulating as said information was not released by any SM officer,” sabi sa isang kalatas ng SM na ipinadala ni Valmoria.
Kumalat ang mga text matapos mapatay ang wanted bomb-making expert na si Abdul Basit Usman, na minsan nang naugnay Abu Sayyaf; halos magkakasunod na pagdukot sa Zamboanga Peninsula, Basilan, at Tawi-Tawi; pati na ang pagkasunog ng isang mall sa Caloocan City.

Read more...