NCR nagpasikat sa gymnastics at chess

KUMILOS na ang National Capital Region (NCR) sa planong matagumpay na pagdepensa sa overall title sa 2015 Palarong Pambansa sa Davao del Norte nang kumulekta ang mga gymnasts at chess players nito ng mga ginto sa kompetisyon na pormal na binuksan kahapon.

Winalis ng NCR ang anim na gintong pinaglabanan sa artistic gymnastics events na ginawa sa Panabo Gym habang may tatlong ginto pa ang Big City sa blitz sa chess na ginawa sa Bulwagan ng Lalawigan para sumikad na ang kampanya ng makailang-ulit na overall champion sa kompetisyong itinataguyod ni Davao del Norte Governor Rodolfo Del Rosario katuwang ang Tagum Agricultural Development Company Inc. (TADECO), Damosa Land, Davao Packaging Corporation (DPC), Davao International Container Terminal, Inc. (DICT) at Pearl Farm Beach Resort.

Sina John Ivan Cruz, Isabella Sta. Maria at John Romeo Santilla ay nagtala ng tig-dalawang gintong medalya sa secondary boy’s Men’s Artistic Gymnastics, secondary girls Women’s Artistic Gymnastics at elementary boy’s Men’s Artistic Gymnastics upang ipaalam ang kahandaan na muling pumaimbulog sa nasabing event.

“Training lang po talaga at ginalingan namin kaya po nanalo kami,” wika ng 13-anyos na si Cruz na nagsimulang sumali sa Palaro mula 2013 at may kabuuang 11 gintong medalya na ang napanalunan.

Read more...