BALANSENG pag-atake ang ipinakita ng Japan sa Pilipinas tungo sa 25-12, 25-18, 25-15 panalo sa Rebisco 1st Asian U23 Volleyball Championship second round kagabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pinahirapan ng Japanese team ang Nationals gamit ang kanilang serve game, 8-1, at blocks, 3-0, upang kunin ang 2-0 karta sa Pool E.
Si Misaki Yamauchi ay mayroong 9 puntos mula sa pitong kills at dalawang kills para pangunahan ang magandang pag-atake.
Nalaglag sa 0-2 ang pambansang koponan at si Alyssa Valdez ay mayroong 15 puntos na lahat ay mula sa atake.
Pero wala ng ibang manlalaro ang nasa double digits para sa host team na mayroon ding 27 errors para yumuko sa labang tumagal lamang ng 65 minuto.
“All I can say is we’re happy to be given this chance to compete against Japan,” wika ni Valdez.
Magtatapos ang second round ngayon at kalaro ng Pilipinas ang Chinese Taipei ngayong alas-7 ng gabi.
Galing anng Taiwanese team sa panalo laban sa Iran, 25-17, 25-21, 25-17, sa naunang laro.
Wala namang matatanggal sa tig-apat na koponan sa Pool D at E dahil aabante silang lahat sa crossover knockout quarterfinals.
Pero tiyak na nais din ng Pilipinas na makaiwas na mangulelat sa apat na kasamahan upang makaiwas na makatapat ang number one team sa Pool F na ipinalalagay na hahawakan ng China.