SINO ba naman ang hindi matutuwa na kahit pansamantala ay hindi natuloy ang pagbitay sa pamamagitan ng firing squad kay Mary Jane Veloso?
Hindi maikakaila na nagbunyi ang buong sambayanan at maging ang ilang international group nang bigyan ng reprieve si Veloso ng pamahalaang Indonesia.
Nasaksihan ng lahat na habang papalapit ang itinakdang araw ng bitay, bumuhos ang kabi-kabilang suporta kay Veloso. Kaliwa’t kanang kilos-protesta ang inilunsad at nanawagan ng karatarungan para sa kondenadong Pilipina.
Si Veloso ay inaresto sa Indonesia noong Abril 2010 matapos mahulihan ng 2.6 kilo ng heroin. Sa paglilitis, nanindigan ang Pinay na wala siyang kasalanan at biktima lamang siya ng human trafficking at sindikato ng droga.
Iginiit na niloko lamang siya ng kinakapatid na si Maria Kristina Sergio, na nagsilbi na kanya umanong recruiter, para dalhin ang suitcase na may lamang heroin.
Oktubre 2010 nang hatulan si Veloso ng kamatayan. At nang malapit na ang araw ng pagbitay, hindi rin naman maitatanggi na mismong si Pangulong Aquino ay personal na kumausap kay Indonesia President Joko Widodo nang sila ay magkita sa 26th ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia, para iurong ang bitay.
Kinakusap din ni Ginoong Aquino ang Foreign Minister ng Indonesia para sa kaso ni Veloso. Sa mga huling minuto bago ang pagbitay, muling nakipag-usap ang Palasyo para harangin ang nakatakdang pagpatay kay Veloso… at ang kasunod ay alam na ng lahat ang nangyari.
Masasabing tagumpay ng lahat ang pagpapaliban sa parusang kamatayan kay Veloso. Malaki o maliit man ang partisipasyon ng kahit sinoman na nanawagan sa pagpigil sa pagbitay ay hindi na mahalaga.
Ang importante, nailigtas pansamantala ang buhay ng isang Pilipina na naniniwala na wala siyang kasalanan. Naniniwala ang marami na biktima ng kahirapan at sirkumstansya si Veloso kaya nasuong sa isang sitwasyon na pati buhay ay naitaya na.
Marami ang nagtulung-tulong para maisalba ang kanyang buhay at makuha ang katarungang kanyang hinihingi. Kung nagtagumpay man tayo sa pagpigil sa bitay, marapat lang na ipagpasalamat ito.
Kaya nga, mapait sa panlasa ang binitiwang salita ng ina ni Veloso nang dumating ito sa bansa kamakailan mula sa Indonesia.
Naringgan siya ng: “Marami kaming sisingilin sa gobyerno.
Sabi nila sa kanila naggagling kung bakit hindi natuloy ang bitay ng anak ko, hindi totoo yon.” Maangas ang pagkakasabing ito ni Ginang Veloso. May galit at pagmamataas ang tono ng kanyang pananalita.
Bagamat nauunawaan natin ang damdamin ng ina na labis na nasaktan sa sinapit ng kanyang anak, mahalagang maunawaan din sana ng ginang na ang tanging maisusukli sa mga taong nakipaglaban para sa kanyang anak ay pagpapakumbaba at pasasalamat.
Sabihin man na di sapat ang tulong na naibigay ng gobyerno, o kulang man ito o sadyang napakaliit ang ginawa nito para sa kanyang anak, mahalaga ang matutong magpasalamat.
Dapat din na maliwanagan si Gng Veloso na ang anak niya ay nahulihan ng ipinagbabawal na gamot. Kung nakalusot ang sinasabing dala ng kanyang anak, ilang inosenteng batang nilalang ang mabibiktima ng nasabing droga?
Hindi kaya, higit na may karapatang humingi ng katarungan ang mga legal na overseas Filipino worker na nakulong sa pagpatay dahil sa pagtatanggol sa kanilang mga sarili? Hindi kaya higit na may karapatan humingi ng katarungan ang mga kababaihang ibinubugaw bilang prostitute ng kanilang mga among dayuhan? Hindi kaya higit na may karapatang humingi ng katarungan ang mga biktimang OFW na ginahasa ng kanilang employer?
Pag-isipan sanang mabuti ni Gng. Veloso kung bakit nasadlak ang kanyang anak sa ganitong sitwasyon.