NALUNGKOT man ang buong sambayanan ay hindi naman kahiya-hiya ang pagkatalo ni Manny Pacquiao kay Floyd Mayweather Jr. kahapon sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada, USA.
Kami sa Bandera Sports ay gumawa ng sarili naming scorecards at ang unofficial score namin ay 114-114.
Draw.
Sa iskor ng Bandera Sports, tatlo o apat na rounds dito ay medyo dikitan at dahil nga Pinoy tayo ay ibinigay ng Bandera Sports ang puntos kay Pacquiao.
Bago pa man inanunsiyo ang final decision, pakiramdam ko talaga na matatalo si Pacman. ‘Yun nga lang hindi ko inasahan na ganoon kalaki ang diperensiya ng iskor.
118-110, 116-112 at 116-112.
Well, ano ba naman ang aasahan mo? E puro Kano naman ang tatlong judges, ni wala man lang Asyano. Ibig sabihin ay kailangang manalo si Pacquiao via knockout para mabalewala ang desisyon ng mga judges.
Pero kita naman natin na hindi na ganoon kalakas ang power ng kamao ni Pacquiao. Sa laki ni Mayweather ay kaya niyang tanggapin ang mga suntok ni Pacquiao.
Iyan ay kung mahuhuli ni Pacquiao si Mayweather na iwas ng iwas at takbo ng takbo sa loob ng ring.
Ilang ulit na sinubukan ni Pacquiao na kornerin si Mayweather pero naiiwasan ito ni Mayweather na mahusay mag-counter punch.
May mga suntok ding naipapasok si Pacquiao pero hindi nito natitinag si Mayweather. Ganoon din naman si Mayweather. Nakakatama siya pero wa epek kay Pacquiao.
Ibig sabihin, talagang nagkaka-edad na ang dalawang ito at hindi na ganoon kalakas ang kanilang mga suntok.
‘Yun nga lang, medyo nautakan ni Mayweather si Pacquiao. Naging malikot sa loob ng ring si Mayweather sa layuning wag makakain ng suntok mula kay Pacman.
Walang knockdown. Walang knockout.
Pabor ito kay Mayweather.
Matapos lang ni Floyd na nakatayo ang 12 rounds, solb na siya dahil nasa kanya ang “homecourt advantage.” Sa Las Vegas kasi nakatira si Mayweather.
“Homecourt” man ni Mayweather ang MGM Grand Garden Arena ay marami namang hindi natuwa sa desisyon ng mga hurado, Pinoy man o Amerikano.
May dalang angas kasi itong si Floyd at kahit mga kababayan niya ay nayayabangan sa kanya.
Oo’t mahusay at mautak siyang boxer at hawak na niya ngayon ang welterweight championship ng tatlong boxing organizations (WBO, WBC at WBA) pero hindi lahat ng tao sa loob ng MGM Grand at sigurado ko na hindi lahat ng Pinoy na nakapanood ng laban ay nakumbinsi na siya talaga ang nanalo.
Dikitan lamang ang laban kaya tiyak na uungol ng “rematch” hindi lamang ang mga fans ni Pacquiao, kundi maging ang mga Mayweather fans na rin.
Wala sa kontrata nina Pacquiao at Mayweather na magkaroon ng rematch pero magkakaroon ng pressure kay Mayweather na pumayag na sila ang muling magharap dahil nga hindi naman “convincing” ang kanyang pagkapanalo kahapon.
Isa pa, mahirap tanggihan ang limpak-limpak na salaping kanyang kikitain sa rematch.
Sa laban kahapon, tinatayang aabot sa $200 milyon ang maibubulsa ni Mayweather kabilang na ang kanyang shares mula sa pay-per-view.
Sa katunayan dinelay pa ng fight organizers ang simula ng sagupaan kahapon para makabenta pa sila sa pay-per-view sa Amerika na nagkakahalaga ng $99.95.
Tulad ng una nilang laban, magdedepende pa rin kay Mayweather kung magkakaroon ng rematch sa Setyembre.
Sa Setyembre kasi itinakda ni Mayweather ang kanyang huling professional fight. Sa ngayon ay may record siyang 48-0. Isang panalo na lang ay mapapantayan na niya ang record ni Rocky Marciano.
As for Pacquiao, wala siyang dapat ikahiya. He fought a great fight. ‘Yun nga lang, hindi nakipagsabayan talaga ang kanyang kalaban.
Sa tingin ko, alam niyang dapat niyang pabagsakin si Mayweather para manalo. Mukhang sinubukan naman niyang saktan ni Floyd kaya lang talagang mas malaki at mas magulang itong si Mayweather.
Kung tutuusin nga, boring ang laban na ito kumpara sa mga ibang laban ni Manny at kahit na ito ang sinasabi nilang “Fight of the Century” ay hindi ito mapapabilang sa top 100 fights in boxing history.
Walang panama ito sa “Thrilla in Manila” o sa mga laban na lang ni Pacquiao kina Juan Manuel Marquez. Erik Morales at Marco Barrera na talagang hitik sa aksyon.
Well, tapos na ang pinakaaabangang laban sa boksing. Ang susunod nating aabangan ay kung pumayag sa isang rematch si Mayweather.
Pero sana kung may rematch nga ay makipagsabayan na si Mayweather at huwag takbo nang takbo.
Ayaw naman kasing magpatalo itong si Pretty Boy. Siyempre, gusto niya mapantayan ang 49-0 record ni Rocky Marciano. Sa ngayon 48-0 na siya at sa Setyembre ay lalaban siya sa huling pagkakataon.
Sana naman ay si Pacquiao pa rin ang piliin niyang makalaban para patunayan talaga sa buong mundo na siya ang pinaka-astig sa boxing.
Kahit unanimous ang decision ay hindi naman kasi ito convincing na panalo para kay Mayweather. Tiyak na uulanin siya ng batikos, kantiyaw at pang-aasar lalo na sa social media.
Ipagdasal natin na lalong maasar itong si Mayweather para pumayag sa isang rematch.
At sana, huwag na sa Las Vegas gawin ang laban. Dito siya dumayo sa Pilipinas para mas masaya, di ba?
Kung manalo uli siya sa rematch, e di wow! Siya na ang ‘da best’ para sa akin.
Until then, the same pa rin ang pagtingin ko kay Mayweather. A brilliant (but coward) fighter who preserves his unblemished card by manipulating the environment, the rules (and the outcome) of the fight.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.