SSS contribution di nire-remit

MAGANDANG araw po! Nais ko lang pong humingi ng kasagutan sa aking problema tungkol sa aking employer. Ako po ay naka-nine years sa aking employer at natapos ko po ang aking contract noong nakaraang March 31. Nagsimula po ako sa aking trabaho noong 2006.

Noong January 12 ay nagpasa ako ng resignation letter at tinanggap naman nila ito. Dati po ay lahat ng mga nag-resign na employees nila ay may natatanggap na separation pay. Alam ko na nasa memorandum of aggrement namin na may makukuha ang employee na nag-resign.

Sinabihan ako ng aking employer na dahil medyo malaki ang makukuha ko na separation pay ay hindi ito maibibigay nang isang bagsakan. Pumayag naman ako.

Pero kahapon April 10 ay kinausap akong muli. Ayon daw sa napag-usapan nila sa legal, kapag nag-resign ang employee ay walang makukuhang separation pay. Nasaktan po ako kasi pinagbigyan ko na nga sa unang napag-usapan tapos bigla na namang binago nila ang policy nila kaya nai-open ko na rin po ang pagkaltas nila sa akin ng SSS mula January 2009 hanggang December 2012.

Nagdesisyon po ako mag-self-employed noong January 2013 dahil kada pag-verify ko ang hulog nila ay wala naman.

Ipinaalam ko po sa kanila ang pagself-employed ko sa aking SSS at pumayag sila, pero wala silang ibinigay na contribution sa SSS ko kasi raw ay self-employed na ako kahit noong under pa nila ako.

Ang sabi ko kasi ilang taon na nila akong employee at kinaltasan sa SSS pero wala namang pumapasok sa SSS account ko. Ang laging sinasabi ay naihulog na sa bangko ang 2009 at may kausap na sila sa SSS na aayos nito. Pero until now ay wala pa rin.

Maari ko po bang malaman lahat ng legal na pwede kong gawin mula sa separation pay at aking SSS? Mga ilang buwan po dapat nilang ma-settle ang lahat ng dapat ko makuha sa kanila. Gusto ko po ng maayos na usapan pero sila ang gumagawa ng way para isuplong ko sila. Alam ko pong napakalaking kasalanan sa batas ang ginawa nila sa akin.

Okay na po sana ang una pinag-usapan pero dahil magulo sila kaya naghahanap po ako ngayon ng mga legal na hakbang na pwede ko pong gawin. Nawa ay mabigyan n’yo po ako ng tiyak na kasagutan na pwede kong iharap sa kanila para sa susunod na pagkikita namin. Ako po ay lubos na umaasa na masasagot n’yo po ang aking email.

Maraming salamat po at pagpalain kayo ng Poong Maykapal!

REPLY: Ito ay kaugnay sa sulat ng isang miyembro ng SSS hinggil sa hindi pagre-remit ng kanyang employer ng kanyang kontribusyon.
Aming pinapayuhan ang nasabing miyembro na magtungo sa pinakamalapit na SSS branch upang mag-file ng pormal na reklamo laban sa kanyang employer. Magdala lamang siya ng kanyang company ID o payslip na magpapatunay na siya ay empleyado ng nasabing kumpanya.
Kapag natanggap na ng SSS ang pormal na reklamo laban sa kanyang employer, iimbestigahan ng aming Account Officer na may hawak sa nasabing kumpanya ang reklamo. Hindi magiging madali ang imbestigasyon sapagkat may prosesong sinusunod ang SSS hinggil dito.
Gayunpaman, makakaasa ang aming miyembro na kapag natanggap na ng SSS ang kanyang rekalmo ay aaksyunan ito agad ng aming ahensya.
Salamat sa patuloy na pagtitiwala sa SSS at nawa ay nasagot namin ang katanungan ng aming miyembro.
Sumasainyo,
May Rose DL Francisco
Social Security
Officer IV
SSS Media Affairs Department
9247295/9206401 loc 5053
Noted:
Ma. Luisa P Sebastian
Department
Manager III
Media Affairs
Department

Read more...