Binay, nang-aagaw ng kredito

KUNG hindi pa sinabi ni Indonesian President Joko Widodo na pinagbigyan niya ang pakiusap ni Pangulong Noynoy na ipagpaliban muna ang pagbitay kay Mary Jane Veloso, baka binabandera na ngayon ni Vice President Jojo Binay na siya ang naging dahilan kung bakit buhay pa ngayon si Mary Jane.

At dahil matamis ang dila ni Binay, baka napaniwala niya ang maraming mamamayan na utang na loob sa kanya ni Mary Jane at ng mga kamag-anak ang kanyang pagkaligtas sa kamatayan.

Anong sinabi ni Binay nang pumutok na ang balita na nabigyan si Mary Jane ng reprieve?

“Nagpapasalamat ako kay President Joko Widodo at Vice President Jusuf Kalla sa pagdinig sa aking apela kaugnay sa aking official at unofficial na pakikipagkita sa kanila sa Jakarta,” ani Binay.

Nag-ala religious figure si Binay nang kanyang sabihin, “Ipagpatuloy natin ang pagdarasal upang mailigtas ang buhay ni Mary Jane.”

Talaga naman itong si Jojo Binay: Mang-aagaw ng kredito na hindi naman siya ang may kagagawan upang makuha lang ang simpatiya ng mga mahihirap na gaya ni Mary Jane.

Mabuti’t hindi dinagdag ni Binay na siya’y galing din sa mahirap at alam niya ang pakiramdam ng mahihirap.

Puwede nang manalo si Binay ng Famas Award sa kanyang mga astang mahirap at kawawa.

Isa pang gago na mang-aagaw ng eksena ay itong si Bob Arum ng Top Rank Boxing.

Sinabi ni Arum na ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao ang naging dahilan kung bakit nailigtas si Mary Jane sa tiyak na kamatayan.

Nagpalabas kasi ng pahayag si Pacquiao sa telebisyon kung saan umapela siya kay Indonesian President Widodo na huwag nang ituloy ang bitay ni Veloso.

Di ko minemenos si Pacquiao, pero paano naman pakikinggan ng Indonesian government ang isang boxer, kahit na siya’y world champion?

Komedyante itong si Arum.
Layunin kasi ni Arum na patakbuhin si Pacquiao sa 2022 sa pagka-Pangulo.

Wala akong personal na galit o hinaing kay Pacquiao, pero bakit naman siya samantalang maraming karapat-dapat na maging Pangulo?

Hayaan na ni Pacquiao na siya’y maging congressman o mayor dahil hindi masyado mahahalata ang kanyang mababang pinag-aralan.

Ano ang mangyayari sa ating bansa na ang lider ay walang ngang background sa pagpapatakbo ng barangay?

Baka siya’y paligiran ng mga asungot na manghihingi na mailagay sa magandang puwesto sa gobiyerno at pagbibigyan naman sila ni Pacquiao.

Itong si Pacquiao kasi ay hindi nakakapagsabi ng “hindi” o “ayaw ko” sa mga kaibigan, kakilala o mga taong lumalapit sa kanya.

Napakabait kasi nitong si Manny at hindi nanghihiya sa mga lumalapit sa kanya.

Napatunayan ko na may ginintuang puso itong si Manny Pacquiao.

Noong isang taon, matapos siyang manalo kay Chris Algieri, nilapitan ko si Manny upang magsilbing tulay sa isang dating boksingero.

Lumapit sa akin si Lolito Laroa, isang laos na boxer, upang dalhin siya kay Pacquiao.

Sinabi ko kay Laroa na hindi ko personal na kakilala si Pacquiao at baka ako mapahiya.

Pero nagkataon naman na personal naman ako niyaya noong araw ding ‘yun ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson na dumalo sa victory party ni Pacman sa kanyang tahanan sa Corinthian Gardens.

Hindi ko mahindian ni Manong Chavit kaya’t isinama ko si Laroa sa victory party ni Manny.

Nang maipakilala ko si Laroa kay Manny, humiling ang dating boxer sa world champ na tulungan siya financially.

Pumasok si Manny sa isang kuwarto at nang lumabas ito ay inabutan si Laroa na makapal na kumpol ng salapi.

READ NEXT
Unity in God
Read more...