UMALIS kahapon ang Philippine baseball team patungong Jakarta, Indonesia para sumali sa East Asia Baseball Cup.
Ang kompetisyon ay gagawin mula Mayo 3 hanggang 8 at anim na bansa ang magtutunggalian at ang mananalo ay makakasali sa Baseball Federation Asia (BFA) Asian Championship sa Agosto.
Ito ang unang pagkakataon sa huling tatlong taon na nakasali ang bansa sa laro sa baseball at pakay ng koponang hawak ni coach Wilfredo Hidalgo ang maduplika ang nakuhang tagumpay noong 2012 sa Hong Kong.
“Halos bagong team na ito dahil ang mga beterano na lamang na naiwan ay sina Ernesto Binarao, Charlie Labrador, Vladimir Eguia at Francis Candela. Ang mga players na naglaro sa UAAP ay kasama rito at halos tatlong linggo kaming naghanda at pinagtuunan namin ang hitting at pitching,” wika ni Hidalgo na makakatulong sa bench sina Ruben Angeles at Ricky Bernabe.
Ang mga makakalaban ng Pilipinas sa torneo ay ang host Indonesia, Hong Kong, Sri Lanka, Singapore at Thailand.
“I’m expecting for the best. Wala akong duda na 100 percent ay mananalo tayo rito,” dagdag ni Hidalgo.
Ang kompetisyon ay dapat idinaos noon pang Marso sa Pilipinas pero hindi kinaya ang gastusin nito para magdesisyon ang BFA na ilipat ito sa Indonesia.
Sa Senayan Field gagawin ang aksyon at magbubukas ng kampanya ang Nationals bukas laban sa Hong Kong sa unang laro sa ganap na alas-8:30 ng umaga.
Ang Thailand ang katunggali nila sa Lunes bago sundan ng pagtutuos laban sa Sri Lanka, Singapore at Indonesia sa Martes hanggang Huwebes.
Ang mangungunang dalawang koponan matapos ang round robin ang maglalaban para sa kampeonato sa pagtatapos ng kompetisyon sa Biyernes.
Nakasali ang Pilipinas dahil sa pagsuporta ng Philippine Sports Commission nang nagpalabas ito ng P1 milyong pondo.