LUMABAS ang mainit na hitting ng Philippine Air Force para pabagsakin ang Thunders, 21-10, tungo sa pagsungkit ng kampeonato sa PSC Commissioner’s Cup Baseball Classic sa Rizal Memorial Baseball Field sa Malate, Maynila.
May 19 hits ang Air Force sa one-game final at sina Ferdinand Liguayan, Edmer Del Socorro at Jenald Pareja ay nagsanib sa 16 RBIs para walisin ang dalawang baseball tournaments na inilatag ng Philippine Sports Commission (PSC).
Unang itinanghal na kampeon ang PAF sa Chairman’s Cup noong Marso.
Si Liguayan, na mayroong anim na RBIs, ang siyang itinalaga bilang Most RBIs habang ang beteranong pitcher na si Ernesto Binarao ang kinilala bilang Finals MVP.
Si PSC Commissioner Jolly Gomez at PSC executive director Atty. Guillermo Iroy Jr. ang naggawad sa Air Force ng championship trophy at P50,000 premyo.
Ang Thunders, na hinawakan ang 7-3 kalamangan matapos ang unang inning pero nagbigay ng limang runs sa Air Force para maisuko ang bentahe, ay nagkaroon ng P25,000 gantimpala.
Pumasok sa finals ang Air Force nang tinalo ang IPPC Hawks, 5-1, habang nanaig ang Thunders sa Unicorns, 8-5.
Ang Hawks ay mayroong P10,000 gantimpala habang ang Unicorns ay nagbitbit ng P5,000 premyo.