Matindi ang problema sa droga

HUMINGI ng police protection si Ma. Cristina Sergio, ang diumano’y recruiter ni Mary Jane Veloso, dahil sa mga natatanggap niyang mga banta sa kanyang buhay.

Takot na takot na dumulog sa Cabanatuan City police station si Sergio kasama ang kanyang live-in partner na si Julius Lacanilao at ang kanyang tatay na si Ramon.

Si Mary Jane ay nahatulan ng kamatayan ng Indonesia dahil nahulihan siya ng five pounds ng heroin sa kanyang bagahe sa Yogyakarta Airport noong 2010.

Sinisisi ni Mary Jane si Sergio sa kanyang sinapit. Di daw niya alam na may lamang droga ang kanyang bagahe na binigay sa kanya ni Sergio.

Kung nagkataon ay sa Davao City police station humingi ng proteksiyon si Sergio ay baka sinalvage na siya.

Walang pinaliligtas ang Davao Death Squad (DDS), ang isang shadowy group na pumapatay ng mga pusakal na kriminal, drug traffickers at pushers.

Nang mahuli ang isang suspect sa massacre sa Antipolo, Rizal, napatay ito sa mga kamay mismo ng pulisya matapos ang ilang oras.

Kahit na isang 14-anyos na batang lansangan na pumatay ng isang estudyante na paralitiko ma-tapos niyang agawan ito ng cellphone ay natagpuang patay sa kalye ilang araw matapos itong madakip.

Yes, sir, yes, ma’am, walang pusakal na kriminal o mga nagtitinda ng bawal na droga sa Davao City .

Sa Davao City lang si-guro nakakagala ang isang law-abiding citizen sa kalye kahit disoras ng gabi na walang takot na siya’y guguluhin ng masasamang-loob.

Pinapatay ng walang awa ang mga pusakal na kriminal sa siyudad.

Napanood ko ang panayam ng Al Jazeera news si Indonesian President Joko Widodo ilang araw bago ang scheduled execution by firing squad ni Mary Jane at ng ilan pang nationals ng ibang bansa.

Di ko masisisi ang Indonesia kung meron itong mahigpit na batas laban sa drug trafficking, ang kasalanan na ibinintang kay Mary Jane.

Sinabi ni Widodo sa panayam na yun na 4.5
milyong mga Indonesians ang nasa drug rehabilitation centers, at 1.5 milyon sa kanila ay hindi na magagamot.

Noong nakaraang taon, 18,000 katao ang namatay dahil sa droga, sabi ng Indonesian president.

Araw-araw, 40 hanggang 50 katao ang namamatay dahil sa droga, dagdag pa niya.

Ngayon, masisisi mo ba ang Indonesia na hindi pinagbigyan ang pagsusumamo ng mga bansang Australia , Brazil at Nigeria na iligtas ang kanilang nationals na hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad?

Si Veloso at isang French national ay pinaligtas, sa ngayon, dahil sa malakas na pakiusap ng kanilang mga bansa na isantabi muna ang pagbitay sa kanila.

Ang Pangulong Noynoy ay nakiusap kay President Widodo na iligtas ang buhay ni Mary Jane nang sila’y magtagpo sa 26th Asean summit sa Kuala Lumpur , Malaysia .

Pero hindi ba naisip ni P-Noynoy ang malaking problema sa droga ng ating bansa?

Kung hindi tayo magkaroon ng kamay na bakal sa mga drug traffickers at pushers, baka hindi na natin malutas ang problema sa droga.

Ang special treatment na binibigay sa mga drug convicts sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa ay tanda ng wishy-washy na paraan na pagtrato natin sa problema sa droga.

Hindi na mabilang ang mga pulis na kasabwat ang mga drug pushers at traffickers at kung hindi naman sila kasabwat ay nire-recycle nila ang droga na nahuhuli nila at kinakalat itong muli sa kalye.

Karamihan ng drug cases ay nababasura ng mga korte dahil hindi dumadalo ang mga pulis na dapat ay tumestigo sa mga nahuling drug suspects matapos silang bayaran ng mga ito.

Ang mga drug dens na ni-raid ng mga pulis ay nabubuksan muli at balik sa kanilang masasamang gawain ang mga drug pushers at operators.

Halimbawa, ang tiangge ng droga sa likod ng Pasig City Hall na ni-raid ng mga pulis ilang taon na ang nakararaan ay balik na naman sa dating gawi.

Nasayang ang pagod ng yumaong police Director Marcelo “Jun” Ele, at ng inyong lingkod at kapatid kong si Erwin.

Si Ele ang nagplano at nanguna ng raid at kami naman ni Erwin ang nag-tipoff kay Philippine National Police Chief Art Lomibao tungkol sa tiangge.

Oo nga’t ang operator ng tiangge na si Amin Imam Boratong ay nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo, pero siya’y namumuhay ng marangya sa bilangguan at doon ay nagpapatakbo ng kanyang sindikato by remote control.

Read more...