MAGKAKAROON ng pagkakataon ang mga batang atleta na tutungo sa Davao del Norte para sa 2015 Palarong Pambansa ng pagkakataon na mapanood ang laban ni Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 3.
Apat na malalaking LED screens ang ilalagay sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex (DNSTC) para ipalabas sa pamamagitan ng pay-per-view ang kinasasabikang tagisan nina Pacquiao sa Mayweather sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.
“Inaasahan ko na ito na ang pinakamalaking public viewing sa isang Manny Pacquiao fight sa aming lugar,” wika ni Davao del Norte Governor Rodolfo del Rosario nang dumalo sa PSA Forum noong Martes sa Shakey’s Malate.
Nasa 7,000 ang capacity ng complex at maaari pa itong madagdagan dahil tiyak na manonood din ang mga residente ng Davao del Norte at Tagum City para suportahan ang Pambansang Kamao.
Kumpleto ang 17 regions na lalahok sa kompetisyong gagawin mula Mayo 3 hanggang 9 at hindi bababa sa 10,000 ang dadalo para pakinangin ang kauna-unahang Palarong Pambansa sa Region 11.