Iba’t ibang isyu ng Pinoy

WALANG katapusan ang isyu ng Pilipino saan man sa mundo.

Sa kabila nang pinakaaabangang “Fight of the Century” nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, nakatutok rin ang mga

Pinoy sa kaso ni Mary Jane Veloso na nakatakdang bitayin kahapon sa Indonesia.

Maging si Pangulong Aquino ay hinimok rin ang Indonesia hanggang sa huling mga sandali na gawing state witness kontra sa mga sindikato na lamang si Veloso imbes na isailailalim sa firing squad. Aniya, magiging kapaki-pakinabang ito sa dalawang bansa.

Ngunit hindi patitinag ang Indonesia.

Paulit-ulit na binabanggit ni President Joko Widodo sa kanyang mga kapwa leader na irespeto ang batas ng Indonesia.

Kahit hindi nilagdaan ni Veloso at mga abogado ang notice of execution dahil may pending appeal pa umano sila, tumakbo na ang 72 oras na palugit bago ang bitay. Nakumpirma pa ito nang ibasura ang apela.

Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang opisyal na pahayag kung natuloy ang pagbitay.

Sa ibang bahagi ng mundo, naganap naman ang matinding lindol sa Nepal at may mga Pilipino rin ang apektado sa nasabing pagyanig.

Gayong ligtas naman ang mga Pinoy roon, agad pa rin na nagpadala ng tulong ang ating pamahalaan para sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng embahadang nakasasakop doon, ang Philipppine Embassy sa India.

Isyu rin ng mga Pinoy ang “sexist” at “racist” na pahayag ng Hong Kong solon na si Regina Ip.

Maging ang mga opisyal ng pamahalaan ay binanatan din si Ip nang tawagin niyang mga “homewrecker” ang mga Pinay OFW na naglilingkod na domestic helper.

Humingi na ng paumanhin si Ip at iginiit niya na hindi “sexist” o “racist” ang kanyang naging pahayag.
Iginiit din niya na mahal niya ang mga Pilipino dahil mayroon din siyang Pinay domestic helper.

Ang nais lamang umano niya ay huwag na puro kasiraan at kamalian ng mga employer ang maipauulat sa media dahil may mali rin namang nagagawa ang mga domestic workers.

Matatandaan na sinabi ni Ip na mga haliparot ang Pinay dahil inaagawan nila ng asawa ang kanilang mga babaeng employer.

Ayon naman kay DJ Stan Yumang, ang partner ng Bantay OCW sa Good Evening Kabayan show sa Hong Kong, nais ipakita ni

Ip sa Beijing na karapat-dapat siyang maendorso sa nalalapit na halalan bilang susunod na Chief Executive sa pagpapakitang kinakatigan niya ang posisyon ng China laban sa Pilipinas sa usapin ng territorial dispute.

Ilan lamang iyan sa napakaraming isyu ng mga Pinoy saan man sa mundo.

Kaya naman, bantay-sarado ang ating Department of Foreign Affairs sa pamamagitan ng mga embahada at konsulado sa ibayong dagat upang pa-ngalagaan ang ating mga kababayan.

At sana naman pala-ging sumunod sa batas ang ating mga kababayan.

vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM
Address: 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0927.649.9870
Website: bantayocwfoundation.org
E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...