Laro sa Mayo 11
(Imus Sports Complex, Imus, Cavite)
4:15 p.m. Petron vs Shopinas (Game One, championship)
6:15 p.m. Philips Gold vs Foton (3rd place)
ITINALA ng Petron at Shopinas ang pagtutuos para sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference finals nang manaig sila sa mga kalaro kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nagsanib sina Aby Maraño, Rachel Ann Daquis at Maica Morada sa 36 puntos habang si Dindin Santiago ay may walong puntos, kasama ang kill na nagpanalo sa second set at dalawang aces sa ikatlong set tungo sa 25-14, 25-23, 25-18 panalo.
“Maliban sa second set ay nasunod naman ang game plan. Unang sinabi ko sa kanila ay alisin sa isipan ang 10-0 dahil ibang story na ito,” wika ni Petron coach George Pascual.
Hindi rin nagpabaya ang Shopinas na humugot sa angking determinasyon ng mga manlalaro para talunin ang Foton sa 22-25, 25-23, 25-19, 21-25, 17-15, iskor.
Umabot sa dalawang oras at 14 minuto ang labanan at bumangon ang Shopinas mula sa match point, 14-15, nang angkinin ang huling tatlong puntos.
Si Stephanie Mercado ay mayroong 24 puntos at ang kanyang kill ang nagpatabla sa iskor sa 15-all.
Nasundan ito ng block ng beteranang si MicMic Laborte kay Patty Orendain bago nakumpleto ang panalo sa ace ni Rizza Mandapat.
“Sana madala namin ang ganitong laro sa Finals dahil ang kalaban namin ay binubuo ng mga star players,” wika ni Shopinas coach Ramil de Jeses na nasa ikatlong sunod na pagtapak sa finals sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.