MGA 15 minuto lamang ang kailangan ng walang talong American boxer na si Floyd Mayweather Jr. para dispatsahin si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao.
Ayon kay trainer Roger Mayweather hindi umano lalagpas si Pacquiao ng limang rounds sa ring laban sa kanyang pamangkin sa sagupaan ng dalawang welterweight champions sa Mayo 3 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.
“I believe he’ll knock him out within five rounds,” sabi Roger, na isang dating two-division champion, sa The Telegraph. “I can’t see nothing that Pacquiao can do.
“It’s just a matter of Floyd being focused and doing what he needs to do – and that’s whoop his ass. Let’s get there, get him out the way and go to the next one,” sabi pa ni Roger.
Ang 53-anyos na si Roger ang madalas na nagsisilbing head trainer ni Floyd Mayweather Jr. subalit hindi siya ang humawak dito para sa laban kay Pacquiao dahil sa problema sa kalusugan. Kaya naman si Floyd Mayweather Sr. ang siyang pumalit sa kanya.
Ang kasalukuyang World Boxing Association at World Boxing Council welterweight champion na si Mayweather ay may ipinagmamalaking 47-0 record subalit hindi naman siya kilala na nagtataglay ng knockout power.