Pacquiao titimbang ng 150 pounds sa laban

KUNG siya ang masusunod, mas gugustuhin ng strength and conditioning coach ni Manny Pacquiao na si Justin Fortune na pumasok ang Pinoy boxing superstar sa ring laban kay Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 3 na nasa eksaktong timbang na 150 pounds.

Nais din ng 49-anyos na si Fortune na tumimbang si Pacquiao sa timbangan ng 146.5 pounds sa official weigh-in sa Mayo 2 kung saan hindi siya dapat bumaba o tumaas.

Ayon kay Fortune, mabilis ang metabolismo ni Pacquiao kaya akma lamang na rumehistro siya sa nasabing timbang.

Patungkol sa paglaban sa 150 lbs, sinabi ni Fortune na magiging mas mabilis at malakas si Pacquiao sa nasabing timbang.

Sinabi pa ni Fortune na kailangang magpalaki ng katawan si Pacquiao dahil inaasahan nilang si Mayweather ay titimbang sa 147 lbs sa weigh-in at sasabak sa laban sa timbang na 160 lbs.

Balewala naman kay Pacquiao ang pagbabago sa kanyang timbang dahil masaya naman siya sa kanyang training camp kung saan nakakain niya ang gusto niyang kainin at naaabot pa rin niya ang 147-pound limit.

Sinabi ni Pacquiao na ang timbang na 146 o 147 lbs sa weigh-in at timbang na 149 o 150 lbs sa pagpasok niya sa laban ay tamang-tama lamang sa kanya.

Kung matatandaan si Pacquiao ay tumimbang ng 144.6 lbs sa weigh-in at umabot sa 148 lbs nang kanyang labanan at talunin si Antonio Margarito, na tumimbang sa 164 lbs sa laban, sa kanilang middleweight fight noong 2010.

Subalit kung magdodomina ang bilis at lakas ni Pacquiao sa laban mababalewala naman nito ang kalamangan ni Mayweather sa timbang.

Isama na rin dito ang isasagawang master plan ni chief trainer Freddie Roach para patumbahin ni Pacquiao ang walang talong si Mayweather sa araw ng kanilang laban.

Read more...