KAHIT sa pagtungo sa mga billeting areas na gagamitin sa Palarong Pambansa ay magiging madali para sa mga bibisita sa Tagum City sa Davao Del Norte.
Ito ay dahil nagsagawa ng mga pathways ang organizers sa pangunguna ni Governor Rodolfo del Rosario para madaling marating ang mga paaralan na gagamiting billeting areas ng iba’t-ibang delegasyon na lalahok sa Palaro mula Mayo 3 hanggang 9.
Binaklas ang mga bakod na dating naghihiwalay sa iba’t-ibang paaralan para patotohanan din ng host province ang tema ng Palaro na “Breaking Borders, Building Peace.”
“Our billeting quarters exemplified our theme in the literal sense when bordering elementary and high schools opened their fences to connect their campuses,” wika ni Del Rosario.
Inikot ng Gobernador ang mga billeting areas para matiyak na maayos na ang mga ito lalo pa’t sa papasok na linggo ay magsisimula na ang pagdating ng tinatayang 10,000 atleta, opisyales at mga bisita sa pinakamalaking palaro sa palakasan sa hanay ng mga mag-aaral sa elementary at secondary level.
Ang inaasahang matagumpay na edisyon ng Palarong Pambansa ay mangyayari dahil sa all-out na suporta ni Gov. del Rosario bukod sa suportang ibinigay ng Tagum Agricultural Development Company Inc. (TADECO), Damosa Land, Davao Packaging Corporation (DPC), Davao International Container Terminal, Inc. (DICT) at Pearl Farm Beach Resort.