SINO ba ang hindi nakakakilala kay Bitoy, kay Bebang, at kay Yaya? Ilan lamang ang mga iyan sa mga karakter na pinasikat ng komedyante at TV host na si Michael V. Mula noon hanggang ngayon ay patuloy pa rin si Bitoy sa paghubog at paghulma ng mga karakter sa TV at pelikula na nagbibigay-aliw sa mga manonood at talaga namang tumatatak sa isip ng mga tao. Kaya nga hindi na nakakapagtaka na ang tandem nila ni Ogie Alcasid sa Bubble Gang bilang Yaya at Angelina ay magbibida sa pelikula. Ibang klase talaga ang kahenyuhan ni Bitoy, at kahit ang mga katrabaho niya ay all praises sa kanya pagdating sa pagiging komedyante. Nagkaroon ng chance ang BANDERA na maka-one-on-one nang medyo seryoso si Michael V. at narito ang kinahitnan ng aming kuwentuhan. BANDERA (B): Saan mo inuubos ang oras mo kapag wala kang trabaho (taping or shooting)? MICHAEL V (MV): Kapag walang work, kasama ko ang family. Masarap kasama ang pamilya, especially ‘yung mga bata. Tapos kung anu-ano ang ginagawa namin, nanonood kami ng pelikula, tapos naglalaro kami ng video games. Masaya ako kapag nakakapag-bonding kami ng family ko. Kasi sa trabaho ko, talagang kalaban mo ang oras. So, kapag walang trabaho, bonding talaga with the family. B: Strict ka bang tatay? Paano ka magdisiplina ng mga anak? MV: Oo. Kasi I believe talaga ‘yung disiplina ng mga anak nagsisimula sa bahay. Kaya simulan mo na doon. So, habang tumatagal, natututunan nila ‘yung mga pagdidisiplina mo. Tapos habang lumalaki na sila, doon ka na naglu-loosen up. And eventually, maa-appreciate nila ‘yung mga ginagawa mong pagdidisiplina for them. Madali lang naman magpaliwanag sa mga bata kapag natutunan mo na yung mga ugali nila. Nasa style lang ‘yan. B: Tingin mo ba naging effective ‘yung style mo sa pagdidisiplina bilang medyo istriktong tatay? MV: Yes. Talagang lumalaki sila nang maayos. Mababait na mga tao, mabubuting bata ang mga anak ko. Iyon naman talaga ang objective ng lahat ng mga magulang—‘yung mapalaki nang mabuti ang mga anak nila. Yung kapag lumaki ka, tumanda ka, ke mahirap ka man, ke mayaman ka man, maging bading ka o tomboy ka, basta ang importante ‘yung naging mabuti kang tao, yun ang pinakamahalaga sa lahat. Du’n mo kasi masusukat kung naging mabuti ka talagang mga magulang sa mga anak mo. B: Ano ang sinasabi o nagiging comment ng mga anak mo sa pagiging sikat na celebrity mo? MV: Nae-enjoy naman nila ang pagiging artista ng tatay nila, pero minsan naiinis din sila. Kasi nawawalan ng privacy, e, tsaka kapag sinabi nila sa akin ‘yun, nirerespeto ko naman ‘yung mga comments nila as mga anak ko. Malimit ‘yan kapag may shows kami abroad, siyempre, there are times na kasama mo sila, at kapag ganoon naman ang sinasabi nila, kinakausap ko ‘yung mga fans, nakikiusap ako sa kanila. Kapag naman kinausap mo na ‘yung mga taong humahanga sa iyo para konting privacy, nakikinig naman sila. Nasa pagpapaliwanag naman ‘yan, e. B: Sino ang tatlong taong hinahangaan mo? MV: What do you mean? Aside from that family? For me, ‘yung mga haligi talaga ng comedy sa Pilipinas—Dolphy, Tito, Vic & Joey and the Bad Bananas. Talagang mga haligi na ‘yan sa industriya. Sila talaga ‘yung naging inspiration ko kaya ako nandito ngayon. B: Nagde-date pa ba kayo ni misis? Anu-anong mga ginagawa n’yo? MV: Oo naman. Nood ng sine, kain sa labas. Pasyal-pasyal. Kapag minsan, shopping. Pero kasi ngayon, mahirap na… may baby na kasi kami uli. Siyempre, hindi mo naman puwedeng iwan ‘yung baby. Sa ngayon, wala na talaga kaming private moments ni misis kumbaga. Kapag lalabas, siyempre, malalaman ng mga bagets, sasama. So join na silang lahat. Pero okay lang, mas masaya naman kapag magkakasama kaming lahat. B: Nagagalit ka ba? Like, kapag hindi mo nagustuhan ang isang trabaho, umiinit ba ang ulo mo? MV: Yes. Pero it takes a lot para sabihin ko ‘yung inis ko, ‘yung nararamdaman ko. Hangga’t maitatago ko, itatago ko na lang. Kung minsan kapag medyo mabigat na, ibubulong ko na lang doon sa taong nakakausap ko. Minsan hihinga na lang ako nang malalim. Ewan ko, mula pa noong bata ako, ganoon na ang ugali ko when it comes to galit o sama ng loob. Pero kapag talagang kailangan na, ‘yung matter of life or death na, siyempre, kailangang makarating na sa kinauukulan. Kasi ako, iba kasi ang image ko, mabait kasi talaga ang tingin nila sa akin. Pero kapag trabaho na, trabaho na; kailangang magtrabaho tayo, ‘yung totoong trabaho. So far naman, sa ilang taon ko rito sa showbiz, wala pa naman talaga akong nae-experience na talagang kailangan kong magalit nang todo o mainis nang todo. Salamat naman sa Diyos. B: Sinu-sino pa ang gusto mong makatrabaho in the future? MV: Marami. Sa actors, hindi babae, e. Gusto kong makatrabaho si Nonie Buencamimo, tsaka si Dennis Trillo. Hinahangaan ko talaga ‘yung dalawang ‘yun, ang gagaling nilang umarte. Mararamdaman mo talaga na seryoso sila sa ginagawa nila. Hindi lang sila basta umaarte lang kasi trabaho nila ‘yun, talagang nasa puso nila ‘yung pag-arte. B: Sa mga female celebrities? MV: Sa mga babae? Si Iza, yan, at natupad na ‘yung dream kong ‘yan dahil nakasama na namin siya ni Ogie sa “Yaya and Angelina.” Although gusto ko siya uling makatrabaho sa isang project na mas malalim, mas seryoso. Naka-focus talaga sa aming dalawa ‘yung kuwento. B: Ano na ang susunod na project niya after ng first movie nila ni Ogie Alcasid? MV: Meron na, actually, nakakahon na siya. Pero tsaka ko na lang ikukuwento, basta abangan nila ‘yun. Ibang klaseng Michael V naman ang makikita nila sa susunod na gagawin ko. B: Dumating na ba yung point na parang nagsasawa ka na sa ginagawa mo? MV: Palagi, kaya ako nagbabakasyon. Nagbe-break ako every year. Mga two months na wala akong ginagawa. Sa bahay lang talaga ako. B: Nagta-travel ka rin ba kapag nagsasawa ka na sa showbiz? MV: Minsan. Pero bihira talaga akong lumabas ng bansa, most of the time kapag may show lang abroad, like sa Eat Bulaga, at kapag may taping ang Bubble Gang abroad. Mas gusto ko kasi sa bahay lang kapag bakasyon. Gustung-gusto ko ‘yung ako ang naghahatid at susundo sa mga bata sa school nila. Enjoy din akong mag-grocery. Ganoon lang, basta maiba lang ang ihip ng hangin sa paligid ko. Actually, dapat ginagawa ‘yun ng lahat ng artista para hindi magsawa o maumay sa ginagawa.
—Interview ni EAS, BANDERA Entertainment
100509