Bumangon ang kritiko

HABANG pumapasok ang bagyong Pepeng ay tila bumangon sa pagkakatulog ang Kaliwa at mga kritiko ng gobyerno, lalo na sa Kamara, na, kaya sila nabubuhay ay dahil binubuhay nating mahihirap, sa ayaw at sa gusto natin, sa pamamagitan ng santambak na buwis at VAT na pinapasan natin kapag tayo’y sumusuweldo o may binibili, o may serbisyong binabayaran.
Sa halip na tumulong sa nasalanta ng dalawang bagyo, ginamit pa ng mga kalaban ng administrasyon ang mga kalamidad para banatan (na naman) ang administrasyon.  Di lang isa o ilan, lahat ay isinisi na administrasyon, ayon kay Camiguin Rep. Pedro Romualdo.  Alam ni Romualdo kung sino-sino ang mga ito, na wala namang nagawa sa Kamara, kundi ang magsusog ng impeachment base sa mga “katibayang” pinutas sa kisame.
Isa sa kanila ay idinawit pa ang Diyos at walang kakurap-kurap at kapal ng mukhang sabihing “makasalan na kasi ang mga namamahala,” gayung siya ay walang dungis(?) habang nilalabanan ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka sa ilalim ng binagong reporma sa lupa.
Ayon kay Baguio Rep. Mauricio Domogan, na patuloy na nasasalanta ang kanyang mga nasasakupan sa tuwing bumubuhos ang matagal ulan, walang nagawa ang mga kalaban ng administrasyon kontra global warming, at mas lalong kinalimutan nila ang urban planning, bagkus ang kinampihan pa nila ay ang mga pinaalis ni MMDA Chairman Bayani Fernando sa mga ilog at estero.  Ang global warming at urban planning ay wala sa talaan ng Kaliwa’t mga kritiko.
Sanlinggo nang manalasa si Ondoy, nalaman ng Palasyo ang pangunahing dahilan ng baha at trapiko: basura.  Di na kaya ng gobyerno na hakutin ang lahat ng basura kung ang bawat isa ay walang pakundangang nagtatapon sa estero, ilog at simpleng daluyan ng tubig.  Di pinapansin ng Kaliwa’t mga kritiko ang walang disiplinang taumbayan.
Oo nga naman, meron ba silang disiplina?  Samantalang ang nagpapairal ng disiplina ay binabansagan pang namumulitika at binabatikos pa.  Sa isang mayamang lungsod (ganyan sila roon), sinisi ang gobyerno sa santambak na basura gayung di naman sila tumutulong sa MMDA.
Ilang taon na ba sa politika si Sen. Loren Legarda (at ilang partido na rin at lider ang pinaglipat-lipatan kahit na may paiyak-iyak pa)? Pagkatapos ng napakahabang panahon sa dakdakan, ngayon lang niya isusulong na magkaroon ng dalawang rescue boats ang bawat barangay?
Kaya ring isipin ng sangkahig-santukang pedicab driver ang dalawang rescue boats sa bawat barangay.

BANDERA Editorial, 100509

Read more...