Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Talk ‘N Text vs Rain or Shine (Game 4)
HINABLOT ng Rain or Shine Elasto Painters ang krusyal na 2-1 bentahe sa 2015 PBA Commissioner’s Cup best-of-seven championship series matapos tambakan ang Talk ‘N Text sa Game Three, 109-97, kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Maagang uminit sa laro ang Elasto Painters na itinala ang pinakamalaking kalamangan na 22 puntos para makumpleto ang kumbinsidong panalo.
Biglang rumatsada ang Rain or Shine matapos ang 3-all na tabla nang maghulog ng 12-0 bomba na nagdikta at nagbago ng takbo ng laban para sa Elasto Painters, na hindi nanalo sa naunang walong series games laban sa Tropang Texters, na nagwagi ng dalawang sunod at nagpakita ng mahusay na paglalaro.
Patuloy na pumukpok ang Elasto Painters para mauwi ang panalo matapos na paupuin si Paul Lee ng higit 12 minuto sa second half matapos na mabigyan ni Talk ‘N Text import Ivan Johnson ng siko sa mukha.
Inihulog ni Rain or Shine import Wayne Chism ang 13 sa kanyang 32 puntos sa unang yugto at sinuportahan naman siya ng kanyang mga kakampi para tulungan ang Elasto Painters na itala ang pinakamalaking kalamangan na 22 puntos, 94-72, matapos ang dalawang free throws ni Chism sa huling 7:36 ng laro.
Uminit sa opensa si Johnson, na nagtapos na may 30 puntos, subalit nawala siya sa pokus sa ilang bahagi ng laro lalo na nang umarangkada ang Rain or Shine sa ikatlong yugto.
Sinabi naman ni Rain or Shine coach Yeng Guiao na ang kanilang team defense ang naging susi sa kanilang sa panalo sa Game Three.