Hiling ng madlang pipol: Sana isama ni Willie si Ai Ai sa WOWOWIN

willie aiai delas alas

Maraming nagbibigay ng suhestiyon at opinyon na sana’y si Ai Ai delas Alas ang kuning co-host ni Willie Revillame sa bago niyang show sa GMA 7.

Swak na swak daw kasi ang pagiging komedyante nilang dalawa, baka raw magkaroon ng dead air dahil sa mga pagsasaluhan nilang katatawanan, gustung-gusto talaga nilang makitang magkasama sa isang programa ang magkaibigan.

Pero sa panlasa naman namin ay hindi na pang-co-host ang estado ni Ai Ai, kung magkakaroon sila ng variety show ni Willie ay ayos na ayos ‘yun, pero hindi ang magko-co-host ito sa Wowowin.

Pareho na sila ni Willie na nakagawa ng sarili nilang tatak sa telebisyon, panalung-panalo ang mga proyektong pinapasok nila, mas magandang makita silang magkasama sa isang bagong show at hindi sa Wowowin ni Willie.

Ang paminsan-minsang paglabas ng Comedy Concert Queen sa variety show ni Willie ay magandang pagkakataon, siguradong pasabog ‘yun, hindi na sila magkakailangan dahil kapado na nila ang istilo at ugali ng bawat isa.

Ang mahalaga ay pareho nang maayos ngayon sina Ai Ai at Willie dahil bumalik na sila sa tunay nilang tahanan. Sa GMA 7 sila parehong nagsimula, du’n sila nakilala ng publiko, kaya welkam back ang dapat nating gamiting salita ng pagbati kina Ai Ai delas Alas at Willie Revillame.

Read more...