HALA, bakit pati naman ang pagkatalo ng Boston Celtics sa Miami Heat ay ginagamit pang isang rason kung bakit daw natalo si Manny Pacquiao kay Timothy Bradley.
Kasi nga kapatid na Ervin, bago pa man magsimula noong Linggo ang laban ni Pacman kay Bradley, e, tinapos pa raw talaga ng Pambansang Kamao ang NBA finals kung saan nga nag-champion ang Miami Heat.
E, team ni Pacman ang Celtics kaya raw parang matamlay ito nang lumabas mula sa kanyang silid sa MGM at matagal din daw bago nagsuot ng kanyang boxing gloves, super sad daw si Pacman sa pagkatalo ng Celtics.
At kung may mga nanunumbat sa American Idol bet nating si Jessica Sanchez na siyang kumanta ng National Anthem ng Amerika, may mga nagsasabi ring pang-inis lang ‘yun ng tropa ng Amerikang sumusuporta kay Bradley. Kawawa tuloy yung Fil-Am girl na kumanta ng “Lupang Hinirang” na si Kirby Asunto dahil bukod sa nag-suffer siya sa comparison kay Jessica, napasama pa siya sa listahan ng mga Pinoy singers na “malas” daw sa pag-awit ng ating National Anthem dahil natalo nga si Pacman.
Hay, naku sari-sari ang matitinding reaksyon ng mga nakapanood ng laban gaya naming nangarir pa sa pay-per-view sa Skycable, pero ang katotohanan na mahirap kontrahin ay yung garantisadong bilyong piso namang kinita ni Pacman sa naturang laban. Bukod pa ‘yan sa mga “side bet” na sinalihan niya bago magsimula ang kanyang laban.
Pero naniniwala kami na pera rin ang magdidikta kung “bayani” pa rin ang pagturing kay Manny sa pag-uwi niya sa Pilipinas dahil paikut-ikutin man natin ang mundo, isang malaking negosyo pa rin ang boksing kahit kailan!
Kung may eksena man kaming kinaawaan ay ‘yung makita namin ang bagsak na hitsura ng mga anak niyang live na nanood sa MGM Grand Las Vegas kasama si Jinkee.
Huwag naman sanang magkaroon ng traumatic effect ang naturang pagkatalo ng ama nila sa isipan at emosyon ng mga bata kaya kung kami sina Jinkee, dadalhin namin sila sa eksperto para masigurong ang nasaksihan ng mga bata ay isang karanasang dapat tanggapin ng maluwag at tama.
Just wondering kung ano kayang mga drama ngayon ng mga hambog at mayayabang na alipores ni Pacman na hindi na yata alam ang ibig sabihin ng salitang “talo”?
And here’s also wondering kung ano kaya ang emote ng mga pulitikong dumayo pa sa Amerika at umasang makakaeksena sakaling manalo si Pacquiao?