Lutong-Macau! Na-Mafia si Pacman!
‘Yun ang nagkakaisang sigaw ng ating mga kababayan tungkol sa masakit na pagkatalo ng Pambansang Kamao nu’ng Linggo sa may kahambugang si Timothy Bradley.
Sa totoo lang, kahit paulit-ulit naman kasi nating panoorin ang kanilang salpukan, hindi man tayo marunong mag-score ay kitang-kita naman na mas napuruhan ni Manny Pacquiao si Bradley.
Kinuwestiyon ng matataas na tao sa lipunan ang pananalo ni Bradley, maging ang mga nakaraang kampeon sa boksing ay nalungkot sa kinalabasan ng laban, nanalo man si Bradley ay si Pacman pa rin ang kampeon para sa mas nakararami.
Nagkunwari pa si Bob Arum na galit na galit, kinuwestiyon at sinabihan pa ng pamosong promoter ang mga hurado na iresponsable, pero ang galit na ‘yun ni Bob Arum ay pinagtawanan lang ng mga tagasuporta at nakauunawa sa pulitika ng boksing.Hindi si Bradley ang nanalo sa labanang ito kundi ang promoter, si Bob Arum ang kampeon dito, dahil sa magaganap na rematch sa darating na Nobyembre.
Perang maliwanag na naman ‘yun para kay Bob Arum, milyun-milyong dolyares na naman ang ngayon pa lamang ay nakabuslo na sa kanyang kaban, sa totoong-totoong-totoong-totoo lang!
Sa puso ng bawat Pinoy ay si Pacman pa rin ang kampeon.
Sa isip ng kanyang mga kapwa boksingero ay liyamado pa rin si Manny Pacquiao sa kahit saang anggulo, suot-suot man ngayon ni Bradley ang belt bilang bagong WBO Welterweight champion ay balewala pa rin ‘yun sa pananaw ng buong mundo.
Muli, sa totoong-totoong-totoong-totoong-totoong-totoo lang!!!
Mabuhay pa rin si Pacman! Mabuhay ang Pinoy!