Imperyalistang Kano

ITO ang sigaw sa halos araw-araw na protesta ng mga kakampi ng komunista sa may US embassy sa Maynila.

Sa kabila nito, at sa kabila na napaliligiran ang Ikalawang Aquino ng mga tagapayong pula (na patuloy namang ipinagtatanggol kahit busisi’t mali na ang mga ginagawa), nabuhayan ng loob ang bansang walang ilalaban sa gera sa China sa mga pangako’t pampalakas-loob na salita ni US President Obama, na ibabahagi sa Pinas ang makakalap na impormasyon hinggil sa maritime security.

Kung anong klaseng hayop ito ay Amerika lamang ang nakaaalam, pero ang totoo’t nangyayari ay wala nang paninindigan ang bansa sa Scarborough Shoal.

Matagal nang wala dahil itinaboy na ang nag-iisang bapor de gera, na pinaglumaan ng Kano (kung bakit itinalaga pa ang bulok na bapor de gera ay sila lamang ang nakaaalam), ng mga makabagong barkong maritima ng Intsik.

Sa pag-uusap ni Aquino kay Obama, hindi tiniyak ng US na itatapat nila ang kanilang barko sa mga barko ng China; kung kapag magpaputok ang barko ng Beijing ay sasagot din ang barko ng Washington ng putok.

Sa nakapaligid na mga komunista, na naghahari na rin sa Kamara’t Senado, nakakahiyang sigawan ang Kano na imperyalista.

Mahirap magpakatotoo
KAPAG politikong magnanakaw, at kawan-kawan iyan sa Kamara, mahirap talagang magpakatotoo.

Bilang mamamayan na lamang, sinabi ni Renato Corona na, “I reiterate my call to all public servants to take up the challenge for true transparency and accountability through an outright waiver of confidentiality on the part of each and every public official.”

Ito ang pinakamahirap gawin ng magnanakaw.

Walang magnanakaw ang maglalabas at maglalahad ng kanyang ninakaw.  Dahil hindi ilalahad ng magnanakaw ang kanyang ninakaw, mas itatago pa niya ito para di masilip at di matunton.

Ang matalinong magnanakaw ay iiwasang maging maluho sa buhay para di kuminang ang kanyang dinambong.

Ang bobong magnanakaw ay kukumutan ang kanyang mansyon para di makita.

At dahil bobo nga siya, makikita pa rin ang umbok ng kanyang ninakaw sa kumot.

Malaking aral ang kinasapitan ni Corona.

Para sa magnanakaw na politiko, ang nangyari kay Corona ay hindi mangyayari sa kanila dahil alam na nila ngayon kung paano itago ang yaman kahit umaapaw ang kanilang mga bulsa.

Read more...