Yaman ng pamilya Binay ‘iyeyelo’

MAY mga nag-isip na bababa si Makati Mayor Junjun Binay sa pagka-alkalde at susunod sa suspension order na inilabas ng Office of the Ombudsman laban sa kanya.

Ang akala ng marami, ang magiging drama ay inaapi ang pamilya Binay ng administrasyon. Paawa epek ba.

Pero hindi ganito ang nangyari, nilabanan nila ang suspension order at iniakyat ang kaso sa Court of Appeals na kumampi sa kanya at naglabas ng temporary restraining order.

Hindi iniwan ni Binay, anak ni Vice President Jejomar Binay na tatakbo sa 2016 presidential elections, ang umano’y overpriced na Makati City parking building kung saan ito nag-overnight.

Kaya ang tanong ng marami, anong meron sa Makati City Hall na hindi nila maiwan?

Muling nabuhay ang duda ng marami noong 2010 elections na sa Makati City kumukuha ng pondo para sa kampanya ang mga Binay.

Isa ang Makati sa may pinakamalaking nakokolektang buwis. Sa dami ng negosyo na naririto, malaki ang kanilang pondo kahit pa sabihin na marami pa ring squatter sa Makati.

Ang kuwentuhan ng manalo sa pagka-VP si Binay, effective ang kanilang mga sisterhood sa iba’t ibang munisipyo.

Ang pagpasok nila sa sisterhood ay ang pagtulong nila sa iba’t ibang local government unit na nakatulong sa pagkapanalo ni VP Binay. Tumanaw sa kanya ng utang ng loob ang mga natulungan niya sa pamamagitan ng pondo ng Makati.

Hindi rin maikakaila na panay ang pag-ikot ni VP Binay sa maraming lugar ngayon. Ito umano ang dahilan kaya malakas si Binay sa masa, na siyang kinatatakutan ng kanyang mga kalaban.

Siyempre magastos ang paglilibot kahit sabihin mo pa na by-land lamang ang biyahe. Alam naman natin na malalaking sasakyan ang gamit ni VP Binay, magastos yun sa gas.

May alegasyon na ginagamit ni VP ang pondo ng Makati para makamit ang kanyang pangarap na makaupo sa Malacanang, kaya umano ito inaalis sa kanila. Para mawalan siya ng makukuhanan ng pondo.

Pero mas sasakit siguro ang kanilang ulo, kapag ang kanilang personal na yaman na ang ma-freeze kaugnay ng mga alegasyon ng katiwalian at mga kinakaharap nilang kaso.

Hindi na bago kung i-freeze man ang yaman ng mga taong may kinakaharap na kaso. Ganito talaga ang sistema ng batas para may mabawi ang gobyerno sakaling mapatunayan na iligal ang yaman.

Ganyan ang ginawa kina Sen. Ramon Bong Revill at Sen. Jinggoy Estrada. At maging sa inaakusahang pork barrel fund scam queen na si Janet Lim Napoles.

Ano pa nga naman ang silbi ng kaso, kung hindi naman mababawi sa mga tiwali ang kanilang ninakaw na kaban ng bayan?
Ano kaya ang gagawin ng pamilya Binay kung mangyari nga na may lumabas na freeze order?

May magagamit pa kaya silang pondo sa kampanya? O baka naman nailipat na.

Kung matatandaan ang kuwento ng dating kaalyado ni Binay na si ex-Vice Mayor Ernesto Mercado, tatlong bag ang pinaglalagyan ng mga iligal na kita at isa sa mga ito ang iniipunan ng pondo para sa kampanya.

Read more...