SINABI ng kasamahan kong kolumnista sa Philippine Daily Inquirer, si Ramon Farolan, na magaling na kandidato sa pagka-pangulo si dating Sen. Ping Lacson.
Si Ping ay may maganda at malinis na track record bilang opisyal ng pulis, lalo na noong siya’y naging chief ng Philippine National Police (PNP) sa administrasyon ni Pangulong Erap.
Totoo yung tinuran ni Farolan tungkol sa track record ni Ping bilang opisyal ng pulisya.
Malinis din ang kanyang track record bilang senador dahil hindi siya tumanggap ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) na pinagmumulan ng graft and corruption ng maraming mambabatas.
Pero natalo si Lacson noong 2004 presidential election. Ang mga kalaban niya noon ay sina Gloria Macapagal Arroyo (GMA) at ang aktor na si Fernando Poe Jr. (FPJ).
Of course, alam natin na nanalo si GMA.
Ayaw ng mga Pinoy ang talunan.
Mahirap nang manalo si Ping Lacson sa 2016 election lalo na’t ang mga makakalaban niya ay sina Vice President Jojo Binay at Interior Secretary Mar Roxas.
Ibilang mo na si Davao City Mayor Rody Duterte bilang dark horse hindi dahil siya’y maitim gaya ni Binay kundi siya’y dehado.
Kapag nagdeklara na si Duterte na siya’y tatakbo, marami nang pupuntang mga botante sa kanyang bandwagon.
Si Duterte, isang da-ting piskal ng Davao City, ay pinaka-low profile sa mga possible presidential candidates dahil ayaw niyang ipaalam ang kanyang hangarin na tatakbo siya hanggang ngayon.
Di gaya ni Binay, siya ay walang kaso na korapsyon mula noong siya’y piskal pa.
Di rin siya matutulad kay Lacson, although pareho silang malinis ang record pagdating sa korapsyon, dahil siya’y matagal na naging mayor ng Davao City samantalang si Lacson ay hindi.
Di rin siya gaya ni Mar Roxas dahil si Mar ay walang charisma sa taumbayan, samantalang si Duterte ay parang superstar sa kanyang mga constituents sa Davao City .
Sa apat na kandidato—Roxas, Binay, Lacson at Duterte—si Rody ang pipiliin ng mga botante kapag nasa loob na sila ng polling booths.
Mas maraming humahanga kay Duterte kesa kay Lacson at Binay dahil sa kanyang nagawang pagpapatahimik ng Davao City, isang lugar na napakagulo noon.
Sa Davao City, puwede kang lumakad sa kalye sa disoras ng gabi at hindi ka matatakot na ikaw ay magiging biktima ng krimen.
Nalinis ni Duterte ang Davao City mula sa lahat ng uri ng masasamang-loob, lalo na ang mga drug pushers at drug traffickers.
Ang problema sa droga ang pinakamalaking problema ng ating lipunan dahil maraming mamamayan ang nalululong sa ipinagbabawal na gamot.
Kahit na nga isang congressman ay drug addict.
Kapag nalutas ng gobyerno ang problema sa drugs, bababa ang kriminalidad.
Ang droga ang sanhi ng maraming krimen sa bansa.
Noong si Lacson ay naging PNP chief, hindi niya nalutas ang problema sa droga.
Si Binay, na matagal na nakaupo bilang mayor ng Makati, ay hindi nasugpo ang droga sa premier city.
Si Roxas ay mahina na lider bilang secretary ng Department of Interior and Local Government (DILG) na may supervision sa Philippine National Police.
Hindi nga niya nakontrol ang dating PNP chief na si Alan Purisima, ang krimen pa kaya?
Now, let’s do the Math.
Si Duterte ay Cebuano-speaking.
Halos lahat ng taga Mindanao, maliban sa ilang mga lugar gaya ng Zamboanga City na Chavacano at Cotabato na Ilocano at Ilonggo, ay Sugbuhanon o Cebuano-speaking.
In fact, ang pinakamaraming ethnic group sa bansa ay Cebuano.
Sa Visayas, ang Sugbuhano provinces ay Cebu, Bohol, Negros Oriental, Southern Leyte at Siquijor.
Boboto ang mga Sugbuhanon kay Duterte.
Ang mga Waray-Waray, na taga Northern Leyte at Samar, ay boboto kay Duterte dahil maganda ang samahan ng mga Waray at Sugbuhanon.
Ang mga Ilonggo at Kinaray-a — na mga taga Iloilo, Capiz, Antique, Aklan, Romblon, Guimaras at Negros Occidental—ay boboto rin kay Duterte dahil siya’y kapwa Bisaya kahit na iba ang kanyang salita.
Hindi boboto ang mga Ilonggo at Kinaray-a kay Roxas dahil kahit sa sarili niyang bailiwick, sa Capiz, hindi siya popular.
Sa Metro Manila, na pinakamalaking voting population, maraming humahanga kay Duterte dahil sa kanyang pagiging crime-buster.
Ang Metro Manila kasi ay nananatiling problemado sa krimen at droga.