LUMILITAW na ngayon ang masasakit na katotohanan na parusa nga ang dagdag na dalawang taon sa high school.
Una, walang estudyanteng gaga-graduate ng high school sa loob ng dalawang taon at wala ring papasok na first year college sa lahat ng unibersidad o kolehiyo.
Inaasahan na sa 2016, aabot sa 500,000 college freshmen ang hindi magtatapos at hindi rin makakapag-enrol ang 300,000 sophomore.
Ikalawa, dahil walang first year college student, mawawalan ng trabaho ang higit 70,000 na mga propesor at titser na naka-assign sa freshmen at sophomore college students sa matagal nang panahon. Ibig sabihin, ang kanilang teaching departments para sa first year at second year college ay magsasara o magtatanggal ng tao dahil dalawang taon silang walang tuturuan. Katunayan, karamihan sa kanila ay sinibak na o kaya’y ginawang contractual na lamang ng kanilang eskwela tulad ng nangyari sa Miriam College atbp.
Ikatlo, kaya ba ng mga kasalukuyang high school na manatili sa eskwela ng dalawa pang taon? At siyempre may papasok din ang mga bagong first year high school students nila kayat meron ba silang mga bagong kwarto at pasilidad para sa lolobong populasyon?
Ikaapat, dahil sa hirap ng buhay ngayon at sa masyadong mataas na singil sa matrikula, hindi makakayanan ng karaniwang pamilyang Pilipino ang gastusin sa dagdag na dalawang taong “senior high school.”
Sa ngayon, 55 porsyento o 12.1 milyon na pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila’y naghihirap. Tayo rin ang may pinakamataas na “unemployment rate” na 7 porsyento sa buong ASEAN. Bukod sa walang trabaho at hilahod sa paghahanap ng pagkakakitaan, bugbog naman tayo sa pagbabayad ng buwis sa gobyerno.
Ikalima, hindi pa rin handa ang kasalukuyang educational system sa malawakang implementasyon ng K-12, batay na rin sa nakikitang kakulangan nito tulad ng kawalan ng preparasyon sa mga matatanggal na propesor at teachers na binanggit ko. Katunayan, marami pang lumilitaw na mga problema sa kasalukuyang “transition period,” kung kayat isinasampa ngayon sa Kongreso ang maraming amyenda sa RA 10533 o K-12. Kahit sa Korte Suprema ay nagdemanda na ang maraming sector habang nag-iingay naman nang husto si Senador Antonio Trillanes.
Kung tutuusin, maganda ang “teorya” ng nasabing K-12. Pilipinas na lang daw ang hindi 12 year ang basic education at talo na tayo ng mga bansa sa Africa tulad ng Ghana at Kenya. Bukod dito, ang mga kasalukuyang high school at college students natin ay hindi raw “employable” o hindi agad nakakapasok ng trabaho.
Oo maganda nga sa teorya, pero sapat ba ang naging paghahanda ng Department of Education at mga pribadong eskwelahan dito? Naitanong na ba ng gobyerno kung handa at makakayanan ng bawat pamilyang Pilipino ang dagdag na gastusin at panahon ng K-12? Mabuti sana kung ginawang “staggered” ang programa o isang taon muna sa fifth year high school at pagkatapos ay sixth year high school naman makalipas ang apat na taon?
Bakit ba sila nag-aapura? Bakit ginawang maikli ang implementasyon at hindi 10-year o 15 years transition para hindi naman masaktan ang mga estudyante at pamilya nito?
Kunsabagay, noong 2010 pag-upo ng daang matuwid, ang badyet ng DepEd ay P174.8 bilyon lamang. Nitong 2015, ito’y naging P367 biilyon o sobra-sobra na sa dobleng budget. Talagang lumalangoy na sila sa dami ng pera mula sa buwis ng taumbayan. Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit sila nagmamadali? Ako po’y nagtatanong lamang!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.