Hapee Fresh Fighters, AMA University Titans magsasagupa

Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena)
1 p.m. MP Hotel vs Liver Marin
3 p.m. AMA University vs Hapee
Team Standings: Cebuana Lhuillier (3-0); Jumbo Plastic (2-1); Café France (2-1); AMA University (2-1); Hapee (1-1); KeraMix (2-2); Cagayan Valley (1-2); MP Hotel (1-2); Tanduay Light (1-2); Liver Marin (0-3)

IPAKIKITA ng Hapee Fresh Fighters na nanumbalik na ang kinang ng koponan kahit wala na ang ilang mga key players sa pagbangga sa AMA University Titans sa 2015 PBA D-League Foundation Cup ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Galing ang Fresh Fighters mula sa 74-50 pagdurog sa Liver Marin para matabunan ang 64-61 pagkatalo sa Jumbo Plastic Giants.

Siyam na manlalaro ang nawala sa koponan ni Hapee coach Ronnie Magsanoc matapos sungkitin ang titulo sa Aspirants’ Cup kaya’t ang hamon niya ay itaas ng mga dating bench players ang kanilang laro para makasabay sa ibang bigating koponan sa liga.

Sina Troy Rosario, Earl Scottie Thompson at Chris Newsome ang mga nagbibigay ng liderato sa koponan habang hinihintay ang pagbabalik mula sa injury list nina Bobby Ray Parks Jr., Garvo Lanete at Arnold Van Opstal.

“We have a lot of new players in the team. I hope the players understand that what we need right now is a lot of patience to get the job done,” wika ni Magsanoc.

Ang Titans ay galing sa 76-74 panalo sa Tanduay Light sa huling laro at gagawin rin nila ang lahat ng makakaya para hindi bumaba sa ikalawang puwesto.

Unang laro sa ganap na ala-1 ng  hapon ay sa hanay ng MP Hotel at Liver Marin.

Galing ang Warriors mula sa 107-106 panalo kontra sa Cagayan Valley Rising Suns para putulin ang dalawang maaagang kabiguan.

Sina Rey Nambatac at Jopher Custodio ang mga magtutulungan uli para dugtungan ang panalo ng Warriors kasabay ng pagpapatikim sa Liver Marin ng kanilang ikaapat na sunod na pagkatalo.

Read more...