KeraMix susukatin ang Jumbo Plastic

Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
1 p.m. Jumbo Plastic vs KeraMix
3 p.m. Café France vs Cagayan Valley
Team Standings: Cebuana Lhuillier (3-0); AMA University (2-1); KeraMix (2-1); Hapee (1-1); Cagayan Valley
(1-1); Café France (1-1); Jumbo Plastic (1-1); MP Hotel (1-2); Tanduay Light (1-2); Liver Marin (0-3)

IPAKIKITA ng KeraMix ang kakayahang manalo laban sa mga bigating koponan sa pagsukat sa Jumbo Plastic sa 2015 PBA D-League Foundation’s Cup ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Sa ganap na ala-1 ng hapon magtutuos ang dalawang koponan at ito ay masusundan ng tapatan ng Café France at Cagayan Valley dakong alas-3 ng hapon.

May 2-1 karta ang Mixers pero galing sila sa 88-95 pagkatalo sa Cebuana Lhuillier Gems sa huling laro.

Dapat na manumbalik ang naunang tikas na naipakita ng koponan dahil inspiradong haharap ang Giants matapos ang 64-61 tagumpay sa Hapee sa huling asignatura.

May 1-1 karta ang Jumbo Plastic at kasalo sa ikaapat hanggang ikapitong puwesto ang Hapee, Cagayan Valley at Café France.

Inaasahang maaksyon din ang salpukan ng Bakers at Rising Suns lalo pa’t ang una ay galing sa 68-62 panalo sa Tanduay Light na nagbangon sa koponan mula sa 85-86 pagkatalo sa Gems.

Asahan naman na palaban ang Rising Suns para makabangon agad mula sa masaklap na 106-107 pagkatalo sa kamay ng MP Hotel noong Marso 26.

Read more...