ANO nga kaya ang mangyayari sa bansa kung babalik sa manu-manong bilangan ang eleksyon sa 2016?
Pihadong magkakagulo dahil mas tatagal na naman ang bilangan kung saan sinasabi na nagkakaroon ng dayaan.
Pero para sa mga taong nais na bumalik sa manu-manong eleksyon, ito ang tamang sistema na gamitin. Ang pagsulat sa pangalan ng ibobotong kandidato na mas nakatitiyak umano na hindi nagkamali kumpara sa pag-shade sa bilog sa tabi ng pangalan na baka maduling at sa iba mailagay.
Dahil nga manu-mano, matagal ang pagbilang rito. Inilalagay sa tally board matapos basahin ng board of election
inspectors.
Inaabot ng umaga ang mga nagbibilang dahil sa dami ng bumoboto sa presinto.
At mas matagal ang inaabot para makarating ang mga nabilang na boto sa national canvassing. Kaya dati ay tumatagal nang ilang linggo kung hindi man buwan bago malaman kung sino ang nanalo.
Parehong may punto ang ayaw sa automated na gustong bumalik sa manu-manong bilangan, at ang mga pabor sa Automated Election System.
Sa AES mabilis ang pagboto, shade lang kaya hindi mahihiya ang mga taong hindi marunong magsulat. Mabilis pa ang pagbilang ng boto kaya hindi na mahahabol ng mga nais na magpalit ng resulta.
Dahil digital may mga nagdududa na nababago ang laman nito. Ibig sabihin, minamanipula umano ng mga computer expert ang resulta at inilalagay na nila ang resulta ng eleksyon bago pa man magsimula ang botohan.
Kumbaga ay nakatanim na sa program kung anong resulta ang ipadadala nito.
Yung mga may duda sa resulta ng eleksyon ay dapat na maghamon ng bilangan. Yung tipong ikukumpara ‘yung resulta na ipinadala ng makina sa manu-manong bilangan para magkaalaman.
Ganito rin naman yata ang ginagawa sa mga election protest.
Dahil mahirap para sa mga pulitiko na tanggapin ang kanilang pagkatalo, walang gumagawa nito. Palaging ang sinasabi nila ay nadadaya.
E kung gawin na lang kaya nating taasan ng kamay ang botohan?
Ilang buwan bago ang halalan ay nagsulputan na ang pangalan ng mga posibleng kumandidato sa 2016 presidential elections.
Lahat ay mayroong kuro-kuro kung anong tandem ang mananalo at kung sinong kandidato ang makatatalo kanino.
Pero ang lahat ng mga espekulasyong ito ay depende sa kung sino ang tutuloy at sino ang hindi.
Kahit na mataas sa survey ngayon ay hindi pa rin nakatitiyak na ma-nanalo. Katulad nang nangyari kay Vice President Jejomar Binay.
Noong 2010 elections, sino ba ang mag-aakala na siya ang mananalo at tatalunin niya si Mar Roxas, ang running mate ni Pangulong Aquino at ang ngayon ay kalihim ng DILG?
Kaya kung minamaliit ni Binay ang mga napi-pisil na kalaban niya ay dapat siguro siyang maghinay-hinay.
Ano ba naman ang rating niya nang magsimula ang kampanya noong 2010?
Pero nang matapos ang bilangan, siya ang iprinoklamang nanalo.
Ang mahirap lang, baka sa 2016 elections ay magbiro na naman ang tadhana. Siya naman ang matalo pagdating ng eleksyon kahit siya ang nangunguna sa mga survey ngayon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.