ASAHAN ang magandang labanan sa hanay ng mga sasaling triathletes sa gaganaping ASTC Asian Triathlon Cup sa Abril 25-26 sa Subic Bay Freeport.
Ito ay dahil ang dalawang araw na karera na inorganisa ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) at may basbas ng Asian Triathlon Confederation (ASTC) at International Triathlon Union (ITU) sa pakikipagtulungan sa Subic Bay Metropolitan Authority (SMBA) ay isang four-in-one event.
Ang mga male at female Elite na kakarera sa Linggo ay magtatagisan para sa Asia Cup at ang mga magwawagi, dayuhan man o locals, ay tatanggap ng ITU at ASTC points na kanilang magagamit para pataasin ang rankings upang makalahok sa malalaking kompetisyon tulad ng 2016 Rio de Janiero Olympics.
Para sa mga locals, magkakaroon ng bakbakan para sa National Age-Group Championships at Inter-Club Competition bukod sa tryouts para sa national pool sa junior, U23 at Elite.
Ayon kay TRAP president Tom Carrasco Jr., ang mga tatanghaling kampeon sa iba’t-ibang Age Group divisions ay ipadadala ng asosasyon sa Asian Cup sa Taiwan sa Hunyo.
Sa kabilang banda, ang mananalo sa Inter-Club ang kikilalanin bilang National Triathlon Club champion habang ang mga bata na mahuhusay ay puwedeng ipasok sa national pool sa susunod na taon.
May 11 dayuhang bansa ang sasali sa elite sa kompetisyong suportado rin ng New Balance, Harbor Point Ayala Mall, Philippine Sports Commission, Century Tuna, Gatorade, Asian Center for Insulation, Standard Insurance, East West Building Technology, Inc. at The Lighthouse Marina Resort.