Hapee dinurog ang Liver Marin

Mga Laro sa Lunes
(JCSGO Gym)
1 p.m. Jumbo Plastic vs KeraMix
3p.m. Café France vs Cagayan Valley
Team Standings: Cebuana Lhuillier (3-0); AMA University (2-1); KeraMix (2-1);
Cagayan Valley (1-1); Café France (1-1); Jumbo Plastic (1-1); Hapee (1-1); MP Hotel (1-2); Tanduay Light (1-2); Liver Marin (0-3)

NAKAKUHA ng magandang pagtutulungan sa kanyang mga manlalaro ang Hapee Fresh Fighters para sa 74-50 demolisyon ng ATC Liver Marin sa 2015 PBA D-League Foundation Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.

Ang mga beteranong sina Troy Rosario, Earl Scottie Thompson at Chris Newsome ay mayroong 20, 11 at 11 puntos habang ang bagong pasok na si Mark Romero ay may 11  puntos pa upang makabangon ang Fresh Fighters sa 61-64 pagkatalo sa Jumbo Plastic sa unang laro.

May siyam na rebounds pa si Rosario, na nagtala ng mahusay na 10-of-15 shooting at 16 puntos ang kanyang ibinagsak sa first half para bigyan ang koponan ng 36-25 kalamangan.

Si Thompson ang nagbigay ng liderato sa Hapee dahil may 11 rebounds at anim na assists pa siya para maisantabi ng koponan ang hindi paglalaro ni Bobby Ray Parks Jr. na nagpapagaling ng kanyang shoulder injury.

Wala rin si Garvo Lanete na may injury din pero natabunan ito dahil sa magandang teamwork.

Bumaba ang Liver Marin sa kanilang ikatlong sunod na talo at si Jovit dela Cruz ang nanguna sa koponan sa kanyang walong puntos.

Naipasok ni Jay-R Taganas ang jumper sa huling 2.2 segundo para makumpleto ng AMA University ang pagbangon mula sa 11-27 iskor sa first period tungo sa 76-74 panalo sa Tanduay Light sa unang laro.

Tumapos si Taganas taglay ang 17 puntos bukod sa 11 rebounds habang sina Dexter Maiquez, James Martinez at Jarelan Tampus ay mayroon pang 14, 11 at 11 puntos.

Si Tampus din ang nagbigay ng magandang inbound play para sa winning shot ni Taganas.

Umakyat ang Titans sa 2-1 habang nasa 1-2 karta ang Rhum Masters.

Read more...