Matteo sa magulang ni Sarah: Magkakaiba kami ng pananaw sa buhay…pero mahal ko sila!

zankoe marudo

HALATANG ingat na ingat si Matteo Guidicelli sa pagsagot sa mga tanong na may kinalaman sa mga magulang ng kanyang girlfriend na si Sarah Geronimo.

Ayon kay Matteo hangga’t maaari ay ayaw na niyang sagutin ang mga tanong na may kinalaman sa pamilya ni Sarah bilang respeto na rin sa kapribaduhan ng mga ito.

Mahal niya ang Pop Princess kaya mahal din niya ang magulang at pamilya nito.Nang tanungin sa isang panayam ang Kapamilya actor kung kumusta ang relasyon niya sa tatay ni Sarah, ang naging tugon nito, “Okay lang naman, siyempre we have other challenges here and there but I want to keep that private between us na lang, ‘di ba, dahil ayokong…

I want to respect their side. I just want to respect everybody. So as much as possible, hindi na ako magsasagot diyan.” Pero dahil sa pangungulit ng mga reporter sa binata napasagot din ito, aniya, “Her parents and I, we don’t think the same (way).

We don’t have the same mindset, kumbaga. “But I respect like whatever mindset they have, what they feel and think about, I respect everything, totally everything.

“I can’t do anything because they’re the people Sarah loves the most so I love them, too, and I want to love them, too. And I hope everything will be better and happier in the future, kumbaga,” marespeto pang pahayag ng ka-loveteam ni Alex Gonzaga sa ABS-CBN Primetime Bida fantasy series na Inday Bote.

Hindi rin pinaligtas ng press si Matteo tungkol sa balitang nagpaplano na rin siyang mag-propose kay Sarah, ang nakangiting tugon ng aktor, “Ay, hindi pa, 25 pa lang naman ako!”

Samantala, inamin ni Matteo na nabawasan ang time nila ni Sarah para sa isa’t isa dahil sa kanilang mga bagong trabaho ngayon. Pero aniya, ang mahalaga ay nabibigyan pa rin nila ng quality time ang isa’t isa.

Busy ngayon si Matteo sa teleseryeng Inday Bote kasama sina Alex Gonzaga at Kean Cipriano, at siyempre, tuwang-tuwa ang binata dahil sa taas ng rating na nakukuha nito gabi-gabi sa Primetime Bida.

Nagpapasalamat din si Matteo sa mga fans ni Sarah na nagsasabing suportado ng mga ito ang tambalan nila ni Alex. In fairness, wala kaming nababalitaang namba-bash kay Alex bilang kapartner ni Matteo sa Inday Bote, ibig sabihin natutuwa rin sila sa loveteam ng dalawa sa nabanggit na programa.

May mga netizens pa nga na nag-post ng magagandang comments about Inday Bote at nanawagan pa sila na suportahan ng Popsters ang serye ni Matteo.

Mas lalo pang nagiging exciting ang kuwento ngayon ng Inday Bote dahil sa pagdating ng mga dwende sa buhay ni Inday. Ano nga kayang mga kalokahan at kabaliwan ang gagawin ni Inday sa piling ng mga kaibigan niyang dwende?

Ito na kaya ang magiging simula ng pagganda ng kanyang buhay? O baka naman puro kapalpakan lang ang gawin ng mga dwende sa buhay niya at ng kanyang pamilya? Tutukan ang pagpapatuloy ng kuwento ng Inday Bote mula Lunes hanggang Biyernes bago mag-TV Patrol.

Kasama rin dito sina Smokey Manaloto, Nikki Valdez at Alonzo Muhlach.

Read more...