Isa kami sa mga maligayang-maligaya sa pagiging cancer-free na ngayon ni Tirso Cruz III. Hirap na hirap kaming tanggapin ang sitwasyon nang una naming malaman ang balita nu’ng nakaraang taon pa.
Pero may pakiusap ang aming source, huwag daw naming isusulat ang sitwasyon, bigyan daw namin ng kapribaduhan ang pamilya Cruz sa pagharap sa isang matinding hamon sa kanilang buhay.
Araw-araw kaming nakakatanggap ng inspirational message mula sa aktor, kung minsan naman ay mula kay Lyn Cruz, pero hanggang du’n lang. Nagsasagutan kami sa text pero walang banggitan kung ano na ang nangyayari sa magaling na aktor.
Nagpaopera siya, may tinanggal na lump sa kanyang lungs, naging matagumpay ang operasyon. Nang magpa-check-up si Pip ay nasa stage 2 na ang kanyang lung cancer.
Pagkatapos nang mahabang panahon ng gamutan ay ligtas na sa cancer ang idolo ng aming kabataan. Pinasasalamatan ni Pip ang mga doktor ng St. Luke’s Medical Center na nag-alaga at umopera sa kanya.
Isang buhay na halimbawa ang nangyari kay Pip na palaging mabait ang Diyos. Wala pa ang kanyang sakit ay aktibo na silang naglilingkod, sama-samang nananalangin ang buong pamilya, matatag ang kanilang pananampalataya.
Aminado si Pip na teenager pa lang siya ay malakas na siyang manigarilyo, pampatanggal ng stress, karaniwang katwiran ng mga artista.
Maligaya kami para kay Pip. Mula nu’ng dekada ‘70 hanggang ngayon ay napanatili ng aktor at ng kanyang pamilya ang magandang pakikitungo sa lahat ng mga taga-showbiz.