TUNAY na magkakaisa ang lahat ng Pilipino sa likod ni Manny Pacquiao sa kanyang malaking laban kontra kay Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 3.
Ito ay dahil nagkasundo ang apat na malalaking networks na magsanib-puwersa para maipalabas ang mega fight na ito.
Ang Solar Entertainment sa pangunguna ng kanilang CEO na si Wilson Tieng, ang nakabili ng broadcast rights ng laban sa halagang $10 milyon at sila ay nakipagnegosasyon sa GMA 7, ABS-CBN at TV5 dahil nais ni Pacquiao na maipalabas ito sa lahat ng networks para mas dumami ang makapanood ng laban.
“This is enormous sports coverage unseen in Philippines because we are combining the broadcast might of the country’s leading sports channel Solar Sports and free-to-air TV giants GMA 7, ABC-CBN and TV5,” wika ni Tieng.
Kumatawan sa GMA 7 si Felipe Yalung, si Dino Laureano ang sa ABS-CBN, si Chot Reyes ang sa Sports 5 habang si Oscar Reyes Jr. ang sa Cignal na siyang mangangasiwa sa Pay Per View.
Dumalo rin sa Mike Enriquez para sa Radio GMA na siyang maghahatid ng live sa laban sa radyo habang naroroon din si SM Lifestyle Entertainment Inc. (SMLEI) president Edgar Tejerero.
Ang mga sinehan ng SM at Walter Mart ay puwede ring panooran ng laban.
“Salamat sa lahat dahil sa pagkakaisa para maipalabas sa ating mga kababayan ang fight na ito,” wika ni Pacquiao sa panandaliang video patch.
Idinagdag pa ni Tieng na hindi gaanong mahirap ang negosasyon sa tatlong iba pang network dahil kahit sila ay gustong maihatid ang laban saan mang lugar sa bansa.
“Tumagal lang ng two weeks ang negotiations. Meron pang kailangang pag-usapan pero naniniwala ako na walang problema rito,” sabi pa ni Tieng.
Malaki man ang perang inilabas hindi naman mangangahulugan na mamahalan ang presyo para mapanood ito dahil ang Pay Per View ay magkakahalaga ng makatuwiran na P2,000 habang ang ticket para sa mga sinehan ay maglalaro sa P600 hanggang P1,000.